ISANG lalaki sa Alaska ang suwerteng nabuhay matapos ma-stranded sa kaparangan ng tatlong araw.
Nasa kalagitnaan ng isang napakalayong biyahe si Craig Johnson noong Disyembre 15 para bisitahin ang kanyang pamilya para sa darating na Pasko nang matipak ang yelong kanyang dinadaanan at lumubog ang kanyang snowmobile sa nagyeyelong tubig.
Nagawang umahon ni Craig mula sa napakalamig na tubig pero nagkataong napakaliblib ng kanyang lokasyon kaya wala siyang mahingan ng saklolo.
Upang makahanap ng tulong ay naglakad ng halos 50 kilometro si Craig. Sa paglalakad niyang ito ay sinundan siya ng isang wolverine, isang mabangis na hayop na kawangis ng maliit na oso. Umaaligid-aligid kay Craig ang wolverine kaya kumuha siya ng isang patpat na siyang ginamit niya sa pagtaboy nito. Suwerte namang nilayuan siya ng mabangis na hayop.
Dahil pagod na, nanatili na lamang si Craig sa isang kahon na kanyang natagpuan sa kanyang paglalakad. Nasa kahon siya ng marinig niya ang mga helicopter na alam niyang naghahanap sa kanya. Sinubukan niyang senyasan ang mga ito ngunit sadyang napakasama ng panahon kaya hindi siya nakita ng mga helicopter sa himpapawid. Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa nang ilang beses siyang nilampasan ng mga ito. Tinanggap na ni Craig na ang kahon na napulot ang magsisilbing kabaong para sa kanyang nagyeyelong bangkay.
Suwerte namang natagpuan siya ng rescue team na mismong pinangungunahan ng kanyang pinsan bago tuluyang umabot sa nagyeyelong negative 35 celsius ang temperatura. Pasalamat na pasalamat si Craig sa kanyang pagkakaligtas dahil sigurado siyang iyon na ang huli niyang gabi kung hindi matatagpuan ng rescuers.
Itinakbo kaagad si Craig sa ospital kung saan siya ginamot para sa frostbite.