SA ibang bansa kapag ang isang pinuno ay naugnay sa isang anomalya o kahit na nabanggit lang ang pangalan at wala pa namang napapatunayan, agad na nagbibitiw sa puwesto. Halimbawa ay sa South Korea, kapag ang isang pinuno roon nasangkot sa katiwalian, agad-agad na nagbibitiw. Ganundin naman ang pinuno ng isang ahensiya – halimbawa ay nang lumubog ang isang ferry na ikinamatay nang maraming bata noong nakaraang taon. Agad na nagbitiw ang pinuno ng ahensiyang nakakasakop sa maritime transport. Mas nauna pa siyang nagbitiw kaysa ibang opisyal na may direktang nakaaalam sa pangyayari.
May delikadesa ang mga pinuno sa South Korea. Pinahahalagahan nila ang dignidad. Mahalaga sa kanila ang linis ng pangalan. Inaako nila ang pagkakamali.
Kakaiba naman dito sa Pilipinas na wala nang delikadesa ang ilan sa mga pinuno ng ahensiya. Kahit lantaran na ang mga katiwalian at kung anu-anong kabulukan sa pinamumunuang tanggapan, wala pa rin silang nadaramang hiya. Makapal na ang mukha at hindi na tinatablan kahit pa sumabog na ang mga kahiya-hiyang nangyari sa tanggapang pinamumunuan.
Isang halimbawa na lamang ay ang nakahihiyang nangyari sa New Bilibid Prisons (NBP) kung saan nadiskubre ang talamak na drug trade, naipapasok ang mga baril, bala, cell phones, gadgets, at ang matindi naipasok din ang mga gamit para sa pagre-record ng musika. Ang mga convicted drug lord ay mistulang nasa hotel sapagkat may sariling Jacuzzi, aircon, bathtub, sex toy, at iba pang mararangyang gamit. Mayroon ding bar doon na may masasarap na alak. Nakakumpiska rin nang maraming pera (dollars) at mayroon pang counting machines.
Pero sa kabila na buking na buking na ang mga nangyayari sa NBP, ang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) ay nananatili pa rin sa puwesto. Walang delikadesa. Hindi tinatalaban ng mga masasakit na pananalita o puna mula sa taumbayan.