PAGPASOK ng 2015, inaasahang papasada na sa mga lansangan ng Amerika ang mga kotse na hindi na kailangan ng taong magmamaneho. Sa halip na driver, computer at mga high-tech na kagamitan na lamang ang magpapatakbo sa mga ito.
Ang balitang ito ay inanunsyo ng kompanyang Google, na nagsasaliksik sa paggawa ng mga kotseng hindi na nangangailangan ng drayber.
Kulay puti ang kotse na may bilugang hugis. Bukod sa computer, mayroon ding mga radar ang kotse na magsasabi dito kung may kailangan itong iwasan.
Ginastusan ng sikat na kompanyang pang-Internet ang pag-develop ng mga ‘driverless cars’ dahil naniniwala itong magiging labis na mas ligtas ang mga ito kaysa sa mga pangkaraniwang kotse ngayon na minamaneho ng mga tao. Kumpara kasi sa mga tao na maaring magkamali, makatulog, o kaya’y magmaneho ng lasing, ang mga computer na nasa mga kotseng dine-develop ng Google ay halos imposibleng mawalan ng kontrol na dahilan ng mga aksidente.
Mas makakabuti rin daw para sa kalikasan ang mga makabagong kotse na ito mula sa Google dahil tipid ang mga ito sa gasolina. Hindi katulad ng tao na maaring mapasobra ang pagtapak sa gas, kalkulado ng computer ang tamang paggamit ng gasolina kaya sakto lang palagi ang gagamitin nito.
Planong patakbuhin ng Google ang kanilang ma-kabagong kotse sa apat na bayan sa California sa Enero 2015.