TAONG 2008 nang makaranas ang Canada ng isa sa pinakamatinding pag-ulan ng niyebe.
Nagkataon namang naubusan noon ng mga sangkap sa pagluluto ang 55-taong maybahay na si Donna Molnar kaya kinailangan niyang mamili at suungin ang nagyeyelong temperatura sa labas.
Hindi na nakauwi si Donna ng araw na iyon kaya nag-alala na ang kanyang pamilya na tumawag na sa mga pulis upang humingi ng tulong. Agad na isinagawa ang paghahanap kay Donna. Hindi na umaasa ang mga rescuers na matatagpuan pa nilang buhay ang ginang dahil sa tindi ng lamig ng mga panahong iyon.
Kaya pagkalipas ng tatlong araw na paghahanap, laking gulat nang lahat ng matagpuan ng isang rescue dog si Donna na nakabaon sa halos tatlong talampakang niyebe. Mas lalo pang kamangha-mangha dahil buhay si Donna at gising na gising nang siya’y matagpuan ng rescuers. Sa katunayan ay humingi pa siya ng paumanhin sa kanyang mga rescuers para sa abala na kanyang idinulot sa kanila.
Nabaon pala si Donna nang madulas habang siya ay naglalakad at siya ay nabalutan ng niyebe habang siya ay nakahandusay sa daan. Sinasabi namang ang makapal na niyebeng bumalot sa kanya ang nagligtas sa kanyang buhay dahil iyon ang nagsilbing panangga ni Donna sa nagyeyelong temperatura at malalakas na hangin.
Agad namang itinakbo si Donna sa ospital kung saan siya ay ginamot para sa hypothermia at frostbite. Bisperas ng Pasko noong 2008 nang ideklara ng mga doktor na hindi na kritikal ang kalagayan ni Donna kaya para sa kanyang pamilya ay isang ‘Christmas miracle’ ang pagkakaligtas ng buhay ng kanilang ilaw ng tahanan.