ALAM ng aking kaopisina na may kaibigan akong manager sa isang private company. Nakiusap siya sa akin na tulungan kong ipasok ang kanyang boyfriend sa pinagtatrabahuhan ng aking kaibigan. Natanggal daw ito sa trabaho.
Kahit hindi pa kami nagkikita nang personal ng boyfriend na binabanggit ay inirekomenda ko na ito sa aking kaibigan. “Sige tatawag na lang ako kapag may bakante,” pangako ng aking kaibigan.
Isang araw pagbaba ko sa jeep patungo sa trabaho ay nawarak ang slit ng aking bestida. Napasobra marahil ang aking hakbang habang bumababa ng jeep. Di ba’t bahagyang tumutungo kapag bumababa ka ng jeep. Nasa ganoon akong posisyon nang matastas ang tahi ng aking slit—parang nakatuwad kaya nasilip ang aking panty. Mula laylayan ng damit hanggang puwitan ang distansiya ng natastas na tahi. Pagbaba ko ay may narinig akong impit na nagtatawa. Nagtagal ang paghinto ng sasakyan dahil apat kaming pasaherong bumaba. Nagkaroon ako ng oras para lingunin kung sino ang tumatawa. Isang lalaking hindi malayo ang edad sa akin, may nunal sa tuluan ng luha. First time sigurong nakakita ng panty, kaya tawang-tawa.
Nagtakip ako ng payong sa aking likuran habang naglalakad. Dali-dali kong kinuha ang stapler sa opisina at tumakbo ako sa toilet. Iyon ang pansamantala kong “ipinangtahi” sa natastas na slit. Pumasok ako sa trabaho na walang nakaalam sa nangyari.
Isang hapon ay sinundo ang aking kaopisina ng kanyang boyfriend. Ipinakilala ito sa aming lahat. Hindi ko makakalimutan ang mukha ng lalaking kasakay ko sa jeep na tawa nang tawa nang matastas ang aking damit. Siya pala ang boyfriend ng aking kaopisina. Siya pala ang boyfriend na inirekomenda ko sa aking kaibigan.
Kinagabihan ay tinawagan ko ang aking kaibigan, “Friend, kalimutan mo na ‘yung taong inirerekomenda ko sa iyo.”
“Bakit may trabaho na?”
“Wala pa rin. Pero ‘wag na lang. Masama ang ugali. Panty lang ang nasilip, halos gumulong na sa katatawa. Ang real gentleman, hindi pinagtatawanan ang babaeng napahiya sa harap ng publiko.”