SI Alcides at Edgar Moreno ay magkapatid na nagtratrabaho bilang taga-linis ng mga bintana ng matataas na gusali sa New York. Noong Disyembre 7, 2007 ay nililinis nila ang Solow Tower sa New York City nang bumigay ang scaffolding na kanilang tinatapakan na naging dahilan ng pagkahulog ng dalawa sa taas na 47 palapag.
Sa kasamaang palad ay namatay si Edgar mula sa pagkakahulog ngunit himala namang nakaligtas si Alcides na may malay pa nang datnan siya ng mga rumespondeng paramedic.
Bagama’t nakaligtas, kinailangan pa ring operahan si Alcides sa dami ng pinsalang kanyang tinamo mula sa mataas na pagkakahulog. Kinailangan din na salinan siya ng ilang gallon ng dugo at plasma. Sa sobrang lubha ng kanyang kalagayan ay na-coma siya matapos ang aksidente.
Kaya naman nagulat ang lahat nang magising si Alcides mula sa pagiging comatose 18 araw pagkatapos ang malagim na aksidente. Eksakto pang pumatak ang nasabing araw sa ika-25 na Disyembre kaya naman talagang isang himala para sa nakararami ang pagkakaligtas ni Alcides mula sa kamatayan.
Lubusang nakapagpagaling si Alcides simula nang siya’y magising mula sa kanyang pagkaka-comatose. Sa katunayan ay nagawa niyang maglakad ng 5 kilometro sa loob ng isang oras para sa isang charity event.
Matapos ang lahat ng nangyari ay wala na siyang balak bumalik pa sa pagtratrabaho bilang tagalinis ng bintana ng mga matataas na building.