DAPAT iparamdam ng gobyerno ang bangis nito laban sa mga magpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sana ay tiyaking mapaparusahan ang sibilyan man o pulis at sundalo na magpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Tuwing sa pagsalubong sa Bagong Taon ay hindi nawawalan ng insidente ng pagpapaputok ng baril kung kaya panahon na upang gumamit ng kamay na bakal ang gobyerno.
Kung maari ay mas mabigat na parusa ang ipataw sa mga pulis at sundalo dahil bilang otoridad ay sila ang modelo o halimbawa na magpapatupad ng batas.
Bukod sa pagkakasibak sa serbisyo ay dapat na bilisan ang pag-usad ng kaso sa korte upang mahatulan at agad na makulong.
Wala pa kasing nababalita kung may nahatulan na ng korte ang isang nagpaputok ng baril at ngayon ay nakakulong na.
Kung hindi makapagpapakulong ang gobyerno ng mga aabuso sa pagpapaputok ng baril ay asahan natin taun-taon ang ganitong kaso.
Likas na yata sa mga Pilipino na kailangan ang kamay na bakal o mahigpit na pagpapatupad ng batas upang sumunod ito.
Puwede kasing magpiyansa sa kasong pagpapaputok ng baril at kung nakatama at nakapatay ay homicide lang na maaari ring maglagak ng piyansa.
Samantala, sana naman ay pag-isipang mabuti ng lahat ng mga lokal na opisyal sa Metro Manila ang pagbabawal sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon at hayaan na lang ang gobyerno na magsagawa ng fireworks display upang makaiwas sa sakuna at trahedya ang mamamayan.