Matigas ang Ulo

MAY mag-inang namamasyal sa isang malaking tindahan ng mga laruan. Nakita ng lima o anim na taong bata ang bisikleta na nakadispley, agad itong sumakay at pinaandar ang bike sa paligid ng tindahan. Bago pa makalayo ang anak ay maagap na nahawakan ng ina ang bisikleta at pilit itong pinabababa:

“Anak bumaba ka na. Magagalit sa atin ang saleslady. Nakikita mo ’yung nakasulat doon sa pader?  Bawal paglaruan o sakyan ang lahat ng nakadispley na paninda. Kaya bumaba ka na sa bike, please.”

Umungol lang ang bata at ikinawag-kawag ang paa na ibig sabihin ay ayaw niyang sundin ang pakiusap ng ina. Napansin ng saleslady ang bata at nilapitan ito. Tinanong ng salelady ang ina kung bibilhin ba ang bike. Nang sabihing “hindi”, magalang na ipinaliwanag ng saleslady sa ina ang panuntunan ng tindahan. Lumapit ito sa bata at malumanay itong nakiusap pero kagaya ng ina ay hindi rin nakumbinsi ang bata na bumaba sa bike. Tinawag ng saleslady ang kanyang manager.  Ito naman ang nambola sa bata:

“Boy, bawal ang sumakay sa bike. Kapag nasira ’yan, pagagalitan kami ng may-ari ng tindahan. Kawawa naman kami. Hindi ka ba naaawa sa amin?”

Wa epek ang strategy ng manager. Lalong nagmatigas ang bata at kumapit siya nang mahigpit sa bike nang mahalata niyang astang hahatakin siya ng kanyang ina. Halatang napapahiya at inis na inis na ang ina sa katigasan ng ulo ng anak.

Ang guwardiya ng tindahan na kanina pa nanonood sa kaguluhan ay hindi nakatiis na makialam. Lumapit ito sa bata. Saglit nag-usap ang dalawa nang pabulong. Aba! Himala ng mga himala…  biglang bumaba sa bike ang bata.

Umalis na ang mag-ina nang lumapit ang manager sa guwardiya.

“Anong sinabi mo sa bata at mabilis mo siyang napababa sa bisikleta?”

“Tinanong ko muna kung sino ang kasama niyang babae. Sabi ng bata ay Mama raw niya. Tinanong ko ulit kung love ba niya ang kanyang mama. Opo, sagot sa akin. Tanong ko ulit: Ikaw ba ang may-ari ng bisikleta? Umiling ang bata.

Saka ako nagpaliwanag. Sabi ko, hindi sa iyo ang bisikleta kaya bawal ang ginagawa mong pagsakay diyan. Kapag hindi ka bumaba, ang iyong Mama ang aming huhulihin at ikukulong. Hayun, biglang bumaba. Natakot makulong ang kanyang ina.”               

Dagdag pa ng guwardiya: “Sa tigas ng ulo ng batang iyon, kailangang maaga pa ay ipamulat na sa kanya ang batas ng buhay – kapag gumawa ng ipinagbabawal, kulong ang katapat niyan!”

 

Show comments