MAHIGIT isang taon na ang nakalilipas mula nang salantain ng Bagyong Yolanda ang Visayas Region particular ang mga probinsiya ng Samar at Leyte. Marami sa kanila ang nagdiwang ng Pasko noong 2013 sa evacuation centers at bunkhouses. Ang iba nagdiwang ng Pasko sa barung-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping mga yero at sako. Pinagsaluhan ang pagkaing donasyon. Ngayon, pagkalipas nang mahigit isang taon, marami pa rin ang magdiriwang sa mga evacuation centers at mga tagpi-tagping mga bahay. Pero ngayon ay mayroon nang nakakangiti kahit wala pang sariling tirahan. Mayroon nang nakabitin na parol sa bintana ng maliit na bahay. Mayroon na ring mga batang nagkakaroling at kapansin-pansin na mayroon nang taginting ang pag-awit nila ng “We Wis Yu a Meri Krismas” habang ang iba ay walang tigil sa pagkalog ng mga baryang nasa lata.
Punumpuno pa rin ng pag-asa ang mga Pilipino kahit na sinagasaan sila ng delubyo. Mataas pa rin ang kanilang pangarap na magiging kakaiba ngayon ang pagdiriwang ng Pasko. Sa kabila na hirap na hirap pa rin ang kanilang kalagayan, hindi sila nawawalan ng pag-asa. Masaya pa rin nilang ipagdiriwang ang Pasko.
Patunay ang latest survey ng Social Weather Stations (SWS) na lumabas na 7 sa 10 Pilipino ang nag-e-expect nang masayang Pasko ngayong taon na ito. Ginawa ang survey noong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1. Ayon sa SWS, mas marami ang umaasa na magiging maligaya ang Pasko ngayon kaysa noong 2013 na umabot lamang sa 62 percent ang nagsabing masaya ang kanilang Pasko.
Siguro mas lalong magiging masaya ang Pasko nang nakararami kung ang mga nasalanta ng bagyo ay magkakaroon na nang sariling bahay ay magkakaroon na rin nang magandang hanapbuhay. Ang pagsasaayos ng kanilang tirahan ay malaking tulong para maging masaya ang kanilang Pasko. Ilan sa wish ng mga nabiktima ng Yolanda ay sa kanilang sariling bahay na sila magdaos ng Pasko at hindi sa evacuation centers. Mas maganda kung sa sarili at bagong bahay na nila pagsasalu-saluhan ang noche Buena.
Sana matupad na ito sa susunod na Pasko.