MAMAYANG gabi na ang Noche Buena! Gusto nating kumain nang masarap pero kailangan din nating maghinay-hinay dahil may bukas pa! At may Bagong Taon pa! Heto ang ilang tips sa pagkain para hindi mag-gain ng sobrang timbang sa isang gabing kain lang:
1. Gamitin ang non-dominant hand. Kung sa kanan humahawak ng kubyertos, ilipat ito sa kaliwa. Dahil mas mahirap-hirap ng kaunti ang koordinasyon ng kamay at bibig. Para naman busog pa rin kahit hindi sobrang daming kinain mo.
2. Gumamit ng maliliit na kubyertos para mas maliliit ang subo, mas madaling manguya at hindi mahirap tunawin.
3. Kahit gaano ka ka-excited at natatakam, isa-isang subo lang. At ngumuya nang maigi at lunukin bago sumubo ng panibago.
4. Break sa gitna ng pagkain. Kumbaga sa mga stage play na mayroong intermission, sa mga mahahabang kainan tulad ng Noche Buena, magbreak din. Ibaba ang kubyertos, makipagkuwentuhan, uminom ng tubig.
5. Pacing. Hinay-hinay lang. Hindi ka naman mauubusan. Tignan din kung sino ang pinakamabagal kumain sa mga kasabay mo sa hapag at gayahin ang pace nila. Mas masarap enjoyin at lasapin ang pagkain kung dadahan-dahanin.
6. Kung may chopsticks ka, subukan mo ring gamitin ito kaysa tradisyunal na kutsara’t tinidor. Challenge ang paggamit ng chopsticks kaya makakatulong na dahan-dahan ang pagkain mo.
7. Kapag oras ng pagkain, kumain lamang, huwag mag-multitask. Puwedeng may hindi pa tapos na mga regalong ibalot, o mga intindihin o pahabol na deadline sa trabaho. Pero huwag namang isabay ang mga ito sa pagkain. Lalo na kapag Pasko. Ang panganib sa pagkain habang may ginagawa, hindi namamalayang ang dami mo ng nakakain.
8. Maging matiyaga. Katulad ng pagbabalat ng hipon o paghihimay, o pagkain ng pistachio nuts. Mas kaunti ang nakakain mo pero busog ka pa rin. Pero natutunawan ka naman dahil may kaunting oras na imbis sumusubo ka ng tuloy-tuloy ay nagbabalat at naghihimay ka.
9. Kumain ng mansanas bago ang Noche Buena (o kahit anong meal, lalo na kapag tanghalian). Nababawasan ang kain mo ng 15% dahil nakakabusog ang fiber content nito.
10. Kumain ng bubble gum. Ang pagnguya raw ng chewing gum ng atleast 30-45 minutes ay nakaka-busog, nakakahina ng gutom at hindi gaanong nagugutom kaagad. May mga pag-aaral na rito ha.
Hindi naman ang dami ng pagkain ang mahalaga, kundi ang lasa at linamnam nito. At siyempre ang presensiya ng iyong pamilya.
Savor the season! Happy Noche buena! Maligayang Pasko!