NGAYONG Kapaskuhan, panahon ng pagbibigay sa mga nangangailangan gaya ng mga sinalanta ng bagyo, baha, lindol at iba pang kalamidad. Baka may mga gamit na hindi na kailangan, ibigay o i-donate ito sa mga kapuspalad. Narito ang mga dapat isaisip o tips kapag magdo-donate:
1. Kung mamimigay ng mga gamit, inspeksiyunin ito isa-isa at tiyakin na nasa mabuting kondisyon at handang gamitin ng bagong may-ari. Sipatin ang mga bulsa kung mayroon itong mga laman pa, pera, maliliit na basura, balot ng kendi etc. Sana rin ay kumpleto ang mga butones, walang punit o mantsa. Kung may panahon pa at kayang palabhan, gawin iyon. Tandaan, tao ang bibigyan. Hanggat maaari iimpake ito nang maayos at hindi nakatambak lamang basta-basta sa supot o kahon.
2. Huwag mag-donate ng mga gamit na damaged na. Dapat na nasa magandang kondisyon pa ang mga ito at magagamit pa. Huwag “magpamana” ng may basag, pilas, mantsa, punit, sira o kulang-kulang na bahagi. Walang may gustong magmay-ari ng mga sirang gamit. Kung ganito naman ang mga gamit mo, idiretso mo na sa basurahan o kaya sa junk shop.
3. Hindi lamang mga damit ang maaaring donate. Pati na rin mga lumang tape, CDs, DVDs na hindi na pinapanood at pati na rin mga appliances na nag-iipon na lamang ng alikabok sa bahay mo. Maganda ring entertainment ang ipamamahagi natin.
4. Puwedeng i-donate ang mga hindi na ginagamit na tuwalya, panyo, jacket, medyas, bags at sinturon pero huwag na huwag ang mga underwear (panty at brief). Kung gustoang mag-donate ng mga ito, bumili ka ng bago para sa kanila.
5. Kung appliances (TV, ref, kalan, oven, washing machine) ang ido-donate, huwag naman ‘yung malalaki at baka walang espasyo ang makakatanggap. Baka rin walang pambayad ng kuryente ang makakatanggap dahil sa laki ng konsumo..
6. Ang mga lumang plato, kutsara’t tinidor, picture frame, pangdekorasyong bulaklak, lumang sports equipment, kumot, unan, kubre kama ay puwedeng i-donate. Dapat lang ay in good condition ang mga ito.
7. Kung pagkain, huwag ‘yung madaling mapanis. Huwag din naman puro de-pakete at de-lata para may sustansiya naman ang ibabahagi mo.