ILANG pagtataksil na ba ang nabisto dahil sa mga larawang ina- ‘upload’ sa iba’t-ibang social networking site tulad ng facebook (fb)?
Babae nakadikit sa lalake. Ilang sandali dumantay ito sa balikat at idinikit ang ilong nito sa braso na para bang may inaamoy. Ganito ang tagpo sa dalawang magkasunod na larawan na naka-‘tag’ sa mister ni Maricel Romero na si Rodelito Romero, 41 taong gulang---Overseas Filipino Worker sa Dammam, Kingdom of Saudi Arabia. “Finallow ko ang link nung nag-tag Mhyrna ang pangalan. Minessage ko siya sa fb. Nagpakilala akong asawa ni Odie. ‘Anong meron kayo ni Odie’? tanong ko,” wika ni Maricel. Mula sa Laguna nagsadya sa amin si Maricel o “Cel”, 38 anyos. Tatlo na ang anak ni Cel sa asawang si Rodelito o “Odie”. Walong taon na silang kasal. Laking Manila si Cel. Pagka-graduate ng hayskul nagtrabaho na siya agad bilang ‘crew’ sa mga ‘restaurant’ hanggang sa maging factory worker siya ng pagawaan ng ATM Machines. Ito pa rin ang trabaho niya ngayon. Taong 2000 nang lumipat ang pamilya ni Cel sa Naic, Cavite. Nagkaroon siya ng bagong kaibigan. Si Luna, taga Alfonso. Nung minsan inimbitahan siya ni Luna sa binyag ng pamangkin, dito niya nakilala si Odie. Si Odie ay kaibigan ng kuya ni Luna---isa siya sa mga ninong nun. Unang pagkikita pa lang nila, natipuhan na daw siya ni Odie. “Nung maghiwalay kami ng boyfriend ko nagkaroon siya ng pagkakataong pormahan ako,” kwento ni Cel. Naging magkaibigan ang dalawa. Nalaman niyang dating sundalo si Odie at na-AWOL lang daw. Nung nagliligawan sila, nagbo-board si Cel sa Tanza malapit sa kung saan siya nagtatrabaho. Gwardiya naman si Odie sa Naic Market.
Naging sila agad ni Odie at taong 2001, nagsama na sila. Nabuntis si Cel parehong taon. Nung mga panahong ito daw niya unang nahuli si Odie. “Lingguhan ako kung umuwi. Minsan nahuli ko siya may babaeng kasama sa kwarto. Nakikipaghiwalay na ako pero pinigilan niya ko,” ani Cel. Binigyan ni Cel ng pagkakataon si Odie. Nagsama pa rin sila hanggang siya’y makapanganak. Taong 2003, nasundan ang kanilang anak. Maliban sa pambabae naging problema din niya ang paglalasing ng mister. “ ‘Pag nabuksan niya ang takip ng bote hindi titigil hanggat ‘di maubos ang huling patak nito. Hanggat ‘di gumagapang, ‘di papaawat,” aniya. Walang naging permanenteng trabaho si Odie. Si Cel na ang kumayod habang naiwan sa bahay ang mister kasama ang mga anak. Limang taong ganito ang kanilang sitwasyon hanggang manganak siya ulit sa kanilang bunso nung taong 2005. Lumalaki na ang kanilang pamilya kaya’t nagdesisyon si Odie na magtrabaho sa bansang Dubai bilang technician. Bago umalis, Nobyembre 29, 2006, nagpakasal sila sa huwes sa Laguna. Tatlong taong nasa Dubai si Odie matapos mag-extend ng isa pang taon. Halagang P16,000 ang sahod niya subalit P5,000-P7,000 lang ang pinapadala niya. “Sa totoo lang nung unang anim na buwan niya sa Dubai wala siyang pinapadala nagkanda utang ako sa opisina. Ang laki ng hirap ko,” aniya. Pag-uwi ni Odie sa Pinas wala daw itong naipon. Inintindi na lang ni Cel si Odie at sa halip na awayin ay kinamusta ang mister. Nagulat siya ng sabihin umano ni Odie na “Dalawang buwan pa lang ako sa Dubai may naging babae na ako…” Gustong magalit ni Cel subalit ayon sa mister wala siyang magagawa dahil babae na ang lumapit sa kanya. Muling umalis ng bansa si Odie, sa Riyadh naman ang punta niya. “Mahigpit daw dun kaya wala siyang naging babae,” ani Cel. Taong 2013 sa Dammam naman siya pumunta. Inakala ni Cel na nagbago na ang asawa. Anim na buwan makalipas napansin niyang parang umiiwas ito. Isang araw, nakita na lang niya ang dalawang larawan na itinag sa fb ng mister. Kinilala niya itong si “Mhyrna”.
“Magkatabi sila sa unang picture. Sa pangalawa inaamoy na ng babae ang braso niya bandang balikat,” pagsasalarawan si Cel. Agad niyang minessage si Mhyrna at nagpakilalang misis ni Odie. “Anong meron sa inyo ni Odie?” tanong ni Cel. Wala siyang sagot na natanggap sa halip binlock pa daw siya ng babae kaya’t mister na niya ang chinat niya. “Odie ano naman itong ginawa mo? Hindi ka ba nahiya nakikita yan ng mga anak mo?” tanong ni Cel. Matapos ang ilang palitan ng chat napansin daw niyang parang ang babae na ang ka-chat niya’t ‘di si Odie. “Kung nakipag-usap ka ng maayos baka naawa pa ako sa’yo,” sabi daw nito. Hindi na kinaya ni Cel ang mga sumunod umano nitong chat. Kinwento daw nito ang pagtatalik nila ni Odie. “Sabi niya, ‘Ang galing nga ng mahal ko e. Sarap na sarap ako,’” ani Cel. Dahil dito nagbitiw na rin siya ng mga masasakit na salita sa babae. Nagpatulong din siya na magpost sa fb ng larawan ni Mhyrna at naglagay daw siya ng caption na: “Huwag tutularan ang babaeng ito… pumatol sa may asawa…” mga salitang aminado naman siyang nakakasakit. Nakita ito ni Odie at nagalit sa kanya at agad pinabura ang post. “Mula ngayon, wala na tayo!” sabi daw nito sabay bantang ‘di na magpapadala. Pumunta siya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Bago pa magreklamo nangako si Odie na magsusustento ng P10,000. Nov. 3, 2014 huling nagpadala si Odie. Nag-away daw sila matapos dumalo ni Cel sa kaarawan ng kanilang kapitbahay at nagkaroon ng kaunting inuman. “Napansin niya sigurong nakainom ako. Nagalit siya… minura niya ko sabay sabing ito na huli niyang padala,” ani Cel. Tinotoo ito ni Odie, buwan ng Desyembre hindi na ito nagbigay dahilan para magpunta sa amin si Cel. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Cel na mali nga ang ginagawa ni Odie na pambabae, kung totoo nga ito subalit marahil ang dahilan ng pagtigil ng padala sa kanya ni Odie ay pakiramdam nito hindi napupunta sa mga bata ang pera at natuto na siyang uminom. Naniniwala kami na kapag ang mga anak nila ang kumausap kay Odie, hindi niya matiis ang mga bata at magpadala siya. Kung hindi ito umipekto, ipaparating namin ang kanyang problema kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs para maipatawag si Odie ng ating embahada sa Dammam at mapaalalahanan siya sa naiwang mga obligasyon sa kanyang mga anak sa Pinas. Ikaw naman Odie kung may duda ka kay Cel at gusto mong siguruhin na napupunta nga sa inyong mga anak ang iyong sustento, bakit hindi mo ito ipadala sa taong magpagkakatiwalaan mo? (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038