MAHIGIT isang taon na lamang at 2016 presidential elections na. At maraming nagsasabi na magiging madugo ang papalapit na elections. Ngayon pa lang may mga patayan nang nagaganap. May naghahasik na ng lagim para mapigilan ang mga kalaban sa pulitika.
Noong nakaraang Huwebes, isang congressman sa Iligan City ang tinambangan na ikinamatay ng apat nitong bodyguards. Nasugatan si Rep. Vicente Belmonte nang ambusin sa Laguindingin, Misamis Oriental, dakong 1:30 ng hapon. Galing sa Maynila si Belmonte. Nang nasa highway na umano sila, isang van ang humarang sa kanilang daraanan at pinagbabaril sila. Tinamaaan si Belmonte sa kamay subalit hindi naman nakaligtas ang apat na bodyguards. May kinalaman daw sa pulitika ang pag-ambus, ayon sa PNP.
Ngayon pa lang, dapat nang kumilos ang PNP para masamsam ang baril ng mga pulitiko sa buong bansa. Hindi na lingid na maraming pulitiko ang may private army. Mayroon silang arsenal. Sagana sa baril at bala. Handang makipaglaban sa kanyang mga kalaban sa pulitika. Hindi uurungan ang mga kalaban. Patay kung patay!
Kilala ang ilang pulitiko sa Hilagang Luzon na nagmamantini ng kanilang private army. Kapag walang private army ang mga pulitiko sa nasabing rehiyon, tiyak na magiging kawawa sila ng kalaban kaya sinisikap na rin nilang mag-armas. At dahil dito, lalo lamang gumugulo. Dumadanak ang dugo. Marami ang nadadamay dahil sa iringan ng magkalabang pulitiko. Kahit magkakamag-anak ay nagpapatayan.
Kung hindi kikilos ang PNP sa pagsamsam at pagbuwag sa private army ng mga pulitiko, malaking problema ito. Magiging magulo ang 2016 elections.
Para mapigilan ang pagdanak ng dugo, kailangang kumilos ang OIC ng PNP na si Gen. Leonardo Espina na samsamin ang loose firearms sa kapuluan. Buwagin ang private army ng mga utak pulburang pulitiko. Hindi dapat kumampante ang PNP sapagkat nagsisimula na ang kaguluhan sa pagitan ng magkakalabang pulitiko.