Manong Wen (141)

TUMUSOK sa katawan  ni Chester ang mga tulis ng higanteng aranya. Mala­kas na palahaw ang pumunit sa kabuuan ng bahay. Siya ang nabiktima ng patibong na kanyang inihanda para sa kalaban. Nakadilat ang mga mata ni Chester. Waring hindi inaasahan ang pagdating ng kamatayan.

Lumapit si Jo. Pinagmasdan ang katawan ni Chester. Hindi na ito humihinga. Saka lamang siya nakahinga nang maluwag. Nagbayad din si Chester sa mga kasamaan nito. Sa pagkamatay nito, tiyak na mababawasan ang mga pangingidnap ng mga dalagita. Matatahimik na marahil ang kalooban ng mga magulang.

Saka lamang naalala ni Jo ang kanyang mga arnis na metal na nagsalba sa kanyang buhay. Dinampot niya ang mga arnis. Kung hindi dahil sa mga ito, baka patay na siya. Kanina, parang nawawalan na siya nang pag-asa na makakawala pa sa pagkakahawak ni Chester. Kung hindi niya nakita ang killer aranya at tinarget ito para mahulog, baka hanggang ngayon ay buhay pa si Chester.

Hanggang sa makarinig si Jo ng mga ingay sa labas. Nakarinig siya ng mga putok ng baril. Hanggang sa makita niya ang mga pulis na paparating. Nasa unahan ang police officer na tumulong sa kanila ni Princess noon sa probinsiya. Nakasibilyan ang opisyal. Ang iba pang pulis ay mula sa MPD. Nilapitan ng ilang pulis ang bangkay ni Chester.

Lumapit sa kanya ang police officer at kinamayan siya.

“Saludo ako sa’yo Jo. Dahil sa iyo, nasolb ang kaso.’’

“Kasama ko si Princess, Sir.”

“Si Princess? Nasaan sila?’’

Saka lamang naalala ni Jo. Nasaan nga pala sina Princess?

(Itutuloy)

Show comments