MARAMI na naman ang inuubo. Anumang kondisyon na nagdudulot ng maraming pagpupundar ng plema sa baga o sa daluyan ng hangin ay napapansin bilang ubo. Ang ubo ay hindi sakit, ito ay isa lamang sintoma ng isang kondisyon sa baga.
Maraming sanhi ang ubo. Puwedeng ito ay dala lamang ng allergy, Upper Respiratory Tract Infection, o Tuberkulosis (TB). Puwede ring ito’y dulot ng kanser sa baga, bronkitis, emphysema, at pulmonya.
Sa mga Pinoy, ang posibilidad ng Tuberkulosis ay napakalaki. Higit sa nubenta porsyento ng mga Pinoy ay may exposure na sa TB. Kaya nga hindi na kataka-taka kung dapuan man tayo ng TB. Karaniwang may kasamang dugo ang plema na inilulura ng isang may TB. Sa ganitong kaso, maipapayo ang pagpapasuri ng plema sa laboratoryo at pagpapa-X-ray sa baga para tiyakin kung may TB o wala.
Ang TB ay madali na lamang gamutin pero kailangang uminom ng gamot sa loob ng anim na buwan. Hindi dapat paglaruan ang dosis ng gamot kontra-TB. Kalaunan kasi ay puwedeng maging resistant na doon ang isang uri ng antibiotiko, at kakailanganin pa tuloy ng mas matinding antibiotiko kontra-TB. Ngayon ay marami ng kaso ng TB na hindi na tinatalaban ng karaniwang gamot sa TB. “Multi-drug resistant Tuberculosis” na ang tawag dito.
Hindi namamana ang sakit sa baga. Kadalasan, ang TB ay nakukuha natin sa mga kasamahang positibo rito. Kung may kasamahan sa bahay na “mahina ang baga” (pinagandang termino para sa tuberculosis), malaki ang posibilidad na mahawa. Kung positibo sa TB ang kapamilya o kasambahay, kailangang siya ay magamot nang mahusay. At nang hindi na magpabalik-balik ang TB sa buong pamilya.
Kung allergy ang sanhi ng pag-ubo, makabubuting iwasan ang mga bagay na maalikabok at mabalahibo.
Ang ubo ay maaari ring sintoma ng mas grabeng kondisyon sa baga gaya ng kanser sa baga. Pero sa kanser sa baga, ang ubo ay karaniwang maplema, at hindi bumubuti sa kahit anong antibiotiko. Minsan kasi, ang sintoma ng kanser sa baga ay parang sa tuberculosis din. Kung nakakaranas ng ubong may plema na umaabot na ng ilang buwan (at hindi naman allergy ang sanhi), makabubuting masuri ka nang maigi. Lalong dapat ipag-alala kung ang iyong ubong maplema ay hindi napapagaling ng kahit anong pinakamatinding antibiotiko.
Damihan rin ang pag-inom ng tubig. Ito ang pinakamabisang panlusaw ng plema. Huwag iasa ang lahat sa gamot na klasipikadong “mucolytic” (panlusaw ng plema) Puwede rin ang mga preparasyong carbocisteine, ambroxol, at dextromethophan para sa ubo.
Kung naninigarilyo, itigil ito. Dapat matiyak natin kung ano talaga ang sanhi ng dinaranas na ubo.
Sa mga matatanda, ang simpleng ubo ay maaaring sintoma na ng pulmonya. Kaya hindi dapat ipagwalang-bahala na lamang ito.