KAHIT 94-anyos na ang lalaki ay maaari pang makabuntis at magkaanak. Ganyan si Ramajit Raghav, ang itinuturing na pinaka-matandang ama sa India. Sa edad na 94, nagkaroon sila ng baby ng kanyang asawang si Shakuntla. Iyon ang una nilang baby. Hindi naman binanggit kung ano ang edad ng ina.
Tuwang-tuwa si Ramajit nang isilang ang kanilang anak, isang baby boy, malusog ito at dineliber sa normal na panganganak. Pinangalanan ni Ramajit ang kanilang baby na si Karamjit na ang ibig sabihin ay “regalo ng Diyos”.
Ayon kay Ramajit, dati siyang wrestler noong kanyang kabataan. Naniniwala si Ramajit na ang kanyang mahabang buhay ay dahil sa kanyang high-calorie diet.
“Ang aking diet ay kinabibilangan ng kalahating kilo ng almonds, kalahating kilo ng ghee (butter) at tatlong litro ng sariwang gatas. Araw-araw ay iyan aking kinakain at iniinom.”
Ayon pa kay Ramajit, naniniwala siyang mabubuhay pa siya ng isang dekada. At ayon pa rin sa kanya, baka madagdagan pa ang kanyang anak.
Si Ramajit, na nagmula sa isang maliit na village sa Kharkohda, Haryana ay isang manggagawa na kumikita ng US$70 bawat buwan.
Nang tanungin ang isang doctor sa Kharkoda Civil Hospital kung maaari pang makabuntis ang isang 94-an-yos na lalaki, malaki raw ang posibilidad. Ayon kay Dr. Paramjeet Singh, isang sperm lang naman daw ang kailangan para ma-meet ang egg cell.