Holdaper na, rapist pang taxi driver!

MARAMI sa ating mga kababayan ngayon ang may takot nang sumakay sa taxi.

Kung bakit, ayon sa kanila, ito ay dahil sa sangkaterbang modus ngayon ng ilang mga taxi driver.

Hindi nga ba’t halos magkakasunod na araw, eh ilan ang naging biktima ng taxi driver na holdaper.

May insidente pa nga na pagsakay ng pasahero eh bigla na lamang binaril agad-agad ng pasaway na driver saka kinuha ang pwedeng makulimbat sa babaeng pasahero.

Ngayon, lalo na nilang kinatatakutan eh yung holdaper na, eh rapist pa na taxi driver.

Mabuti na lamang at ang isa sa ganitong uri ay agad na nadakip ng mga tauhan ng Manila Police.

Arestado ang suspect na nakilalang si Miguel Maranan, habang pinaghahanap pa ang kasapakat nito na nangholdap at humalay pa sa isang 19-anyos na De La Salle student.

Mas matindi pala ang modus nito na dapat mapag-aralan ng mga pasahero para mabigyan na rin sila ng babala.

Sumakay ang nag-iisang biktima ng mga ito  noong Nobyembre 29, 2014 sa Global City sa Taguig.

Ayon sa estudyanteng biktima, sa likod siya sumakay at napansin niya na bahagyang nakatumba ang sandalan ng upuan sa unahang upuan sa tabi ng driver.

Alam ba ninyo kung bakit ganun? Itinatago pala ng mokong na driver ang kanyang kasapakat na nandoon na sa loob ng taxi.

Imbes na sa lugar na paghahatiran sa biktima dalhin, dinala ang estudyante sa isang motel sa Las Piñas at doon hinalay ng dalawang suspect.

Pagkatapos nito saka pa kinulimbat ng dalawang suspect ang pera at mga gamit ng biktima.

Malamang na hindi lang isang beses isinagawa ng mga suspect ang kanilang estilo, malamang na may nauna nang nabiktima ang mga ito na natakot na lamang lumantad.

Kaya nga lalong tumindi ang panawagan lalo na sa mga operator na huwag naman basta-basta  kuha nang kuha ng driver na hindi naman nakukuhanan man lang ng background ang mga ito.

Bukod dito, dapat din mapayuhan ang mga ito na maging magalang o maayos naman sa kanilang mga pasahero.

Isa pa sa sumbong na tinatanggap ng inyong  Responde, marami raw lalo na sa ganitong panahon ang nagsusungit  at bastos sa mga pasahero, kasi nga in-demand sila sa ganitong panahon. Nagmamalaki, ’ika nga.

Maging sa mga kasuotan sa pagmamaneho, sana rin ay maobliga ng mga operator na maging maayos ang kanilang driver, hindi ’yung naka-shorts at tsinelas.

Hindi natin nilalahat, pero sa totoo lang, marami ang pasaway na mga taxi driver. Ang dami ng namimili ng pasahero at mga nangongontrata, nananamantala sa mga mananakay at  ito ay dapat talagang maaksiyunan ng mga kinauukulan.

 

Show comments