EDITORYAL - Handang-handa sa pananalasa

DUMATING man ngayong araw na ito sa Eastern Visayas ang Bagyong Ruby, hindi na nakapangangamba sapagkat handang-handa na ang lahat. Hindi na matitigatig ang mga nasa baybayin sapagkat nailikas na sila bago pa ang sinasabing pagtama ng bagyo na inihahalintulad sa Bagyong Yolanda na nanalasa noong nakaraang taon. Kahapon, nailikas na ang mga taong nasa baybay dagat. Ayon sa report, wala nang mga tao sa mga baybayin sapagkat dinala nang lahat sa ligtas na lugar. Nakapaghanda na rin ang local government ng mga pagkain para sa mga nasa evacuation centers. Marami na rin sa mga tao ang bumili ng mga pangunahing ga­gamitin sakali’t  dumating ang bagyo. Nag-imbak na sila ng pagkain para hindi magutom. Ang ilan ay tinalian­ ang kanilang bahay para masigurong hindi tatangayin ng hangin.

Nagkaroon na nga ng leksiyon ang lahat at hindi na hihintayin pang maulit ang nangyari noong isang taon na walang paghahanda kaya marami ang nilamon ng tubig. Nang magkaroon ng storm surges, parang mga daga  na walang masulingan ang mga tao. Maraming tinangay ng alon at umabot sa mahigit 4,000 ang namatay at mayroon pang hindi nakikita. Inamin ng mga tao, na naging kampante sila at hindi siniguro ang kaligtasan. Marami ang hindi nakaalis sa kani-kanilang mga bahay sapagkat biglang-bigla ang pagtaas ng tubig. Iglap lang at nagmistulang karagatan ang mga dating kinatatayuan ng mga bahay. Sa lakas ng hangin at alon, pati mga barko sa laot ay dinala sa mga bahayan.

Handang-handa na ang lahat at harinawa, walang magbuwis ng buhay sa pagkakataong ito. Sabi naman ni President Aquino, ibinuhos na ng gobyerno ang lahat nang paghahanda sa pagkakataong ito at hindi mapapatawad ang mga nagkulang.

Show comments