‘Bogus na money changer’

PATULOY na nagbibigay ng babala ang BITAG sa publiko partikular sa mga kaanak at kapamilya ng mga overseas Filipino worker (OFW) at mga nasa ibang bansa. 

Ingatan ang mga ipinapadala sa inyong dolyares at denominasyon ng pera ngayong “ber” months.

Mas aktibo at tulo-laway kasi ngayon ang mga bogus na money changer. Agresibo at mapamaraan para makapambiktima at makapanloko. 

Kaya sa mga magpapapalit ng dolyares sa peso, maging atentibo at ‘lerto nang hindi madenggoy ng mga putok sa buhong salamangkero.

Maaaring nagtataka kayo, pero kadalasan silang makikita katabi mismo ng mga totoo, lehitimo at lisensyadong money changer. 

Matagal nang nadiskubre ng BITAG ang modus na ito sa Ermita sa Maynila. Ang mga fly-by-night, nakikipagsabwatan sa mga malalaki at lehitimong establishemento. 

Mag-aalok ng mas mataas na foreign exchange rate. Kaya kung praktikalidad ang pag-uusapan, mas maraming pumupunta sa mga bogus dahil mas malaki ang katumbas na halaga kapalit sa dolyar. 

Subalit, lingid sa kanilang kaalaman, BITAG pala ito ng mga mandurugas at utak-kriminal. 

Ang hokus-pokus, nangyayari sa pagitan ng empleyado ng bogus na money changer at target victim. 

Kapag napalitan na ng peso ang dolyares, una itong bibilangin ng kumag na teller. Para hindi pagdudahan, ipapabilang nya rin ito sa kustomer. Kumpleto ang pera. Pero muli niya itong babawiin para kunwari’y sisiguraduhing parehong tama ang kanilang bilang.

Sa bilis ng pitik ng daliri sa pagbibilang, hindi namamalayan ng pobreng biktima, sinasadya pala ng putok sa buhong teller na maglaglag ng pera. Kaya ang perang nauna nang ipinabilang sa biktima, bawas at kulang-kulang na. 

Kaya sa mga magpapapalit ng dolyar ngayong kapaskuhan, huwag kayong pumayag na ang teller ang huling magbibilang ng inyong ipinapapalit na pera. 

Marami pa ang mga magsusulputang bogus na money changer. Mag-ingat, mag-ingat. 

Abangan ang Bitag Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

Show comments