Manong Wen (130)

MAY kausap sa cell phone ang lalaki. Naka­talikod ito habang naki­kipag-usap. Nakasumbrero na parang kay Palos.

Pinakinggan ni Jo ang pakikipag-usap ng lalaki na ang kutob niya ay si Chester.

“Bakit ang tagal n’yong dalhin dito sa Maynila ang mga dalagita. Sabi ko sa inyo, huwag iipunin ang mga ‘yan dahil delikado kapag dumami. Mahihirapan akong idispatsa yan dito. Santambak kayong mga gago!’’

Tumigil sa pagsasalita ang lalaki. Pinakikinggan ang nasa kabilang linya.

Hanggang magsalita uli: “’Yan bang idedeliber n’yo ay talagang magaganda? Sabi ko sa inyo, piliin lang ang maganda at makinis para madaling maibenta. Masyadong pihikan na ang mga Koreano at Hapones ngayon, gusto nila makinis na makinis. Kung hindi maganda at makinis, huwag n’yo nang dalhin dito dahil masama ang mangyayari sa inyo. Kilala n’yo ako kung magalit. Kapag sinabi kong itutumba ko kayo, itutumba ko talaga kayo. Ayaw ko nang makulit na kausap. O ano pang sasabihin mo?’’

Tumigil muli ang lalaki sa pagsasalita. Pinakinggan ang nasa kabilang linya.

Maya-maya nagsalita uli: “Kaya nga sinasabi ko sa’yo huwag kayong pupunta rito na ang mga dala ay pangit dahil itutumba ko kayo. Huwag na huwag din kayong magpapahuli sa mga parak at kahit nasa bilangguan kayo, ipatutumba ko kayo. Huwag n’yong tularan ang nangyari sa dalawang tauhan ko sa probinsiya namin na kinidnap ang isang dalagitang maganda pero ayun, nahuli ng mga pulis. Tatanga-tanga. Sigurado, ikinanta na ako ng mga iyon pero okey lang dahil baka ngayon ay pinaglalamayan na rin sila. Hindi nila alam, yung isang pulis na humuli ay naka-payroll sa akin. Itinumba na sila tiyak nung pulis. O ano pang sasabihin mo?”

Tumigil uli ang lalaki. Nakinig sa sinabi ng kausap.

Maya-maya nagsalita uli: “Nanghihinayang ako sa kinidnap nilang dalagita. Type na type ko pa naman dahil makinis. Kapatid yun nung naging siyota ko nung araw --- yung nagbibibingka. Sayang hindi ko natikman ang bibingka, ha-ha-ha!”

Kumpirmado na! Si Chester nga ang lalaki. Kailangan nang kumilos si Jo para pagbayarin si Chester!

(Itutuloy)

Show comments