MARAMI na akong naririnig na mga tiyuhin o tiyahing OFW na hindi lang mga anak ang pinag-aaral kundi mga pamangkin din. Sa aking mga kakilala, mas marami ang nabigo sa pagpapaaral ng pamangkin kaysa nagtagumpay.
Si Edna ay apat na taong nagpaaral ng babaeng pamangkin. Nursing ang kurso nito. Walang puknat ang pagpapadala niya ng pang-tuition pati monthly allowance. Noong nasa ikaapat nang taon ng pagpapaaral, saka lang nabisto ni Edna na irregular 3rd year lang pala ang pamangkin. Akala niya ay ga-graduate na ito. Hindi ipinagtatapat sa kanya na isang semester itong tumigil dahil nagastos ang pang-tuition. Itinigil ni Edna ang pagpapaaral sa pamangkin.
Walang ipagpapaaral sa anak ang kapatid ni Joey, kaya siya na ang nagprisintang magpaaral sa pamangking lalaki. Vocational course sana ang iaalok ni Joey sa pamangkin dahil hindi naman kalakihan ang suweldo niya bilang seaman. Isa pa, may mga anak pa rin siyang nagtu-tuition. Mas mabuti na iyon kesa walang matapos na kurso. Kaso noong sinamahan niya ang pamangkin sa pag-eenrol, nakiusap ito sa kanya na payagan na siyang mag-enrol sa Engineering. Iyon daw kasi ang pangarap niya. Naawa ang tiyuhin, kaya pumayag na rin. Nasa isip niya ay lagi na lang siyang mag-o-overtime para may ekstrang pambigay sa pamangkin.
Noong nasa 4th year na ang pamangkin nang bigla nitong ipinaalam na hindi na niya kayang ipagpatuloy ang pag-aaral ng Engineering. Limang taon ang kurso. Ang hirap daw pala. Magsi-shift na lang daw siya sa ibang kurso. Nakiusap si Joey na tapusin na lang nito ang kurso. Uunawain nito kung may mga bagsak siyang grade. Pero matigas ang ulo ng pamangkin. Ayaw na talagang pumasok. Hindi na tinapos ang isang semestre. August pa lang ay huminto na sa pag-aaral. Ang pamangkin ay hindi na nakapag-shift ng kurso. Naasar na si Joey at itinigil na ang pagpapaaral sa pamangkin.
Hindi nagkaroon ng sense of gratitude ang pamangkin ni Joey dahil kinalakihan na nito na tumatanggap lagi silang mag-anak ng tulong mula sa mga kapatid ng kanyang ina kahit hindi sila humihingi. Gigising na lang silang nakalatag ang tulong sa kanila. Hindi na niya kailangang makiusap, bigla na lang siyang ibibili ng computer o anumang usong gadget ng mga tiyuhin at tiyahin. Ganoon lang kasimple ang dahilan kung bakit hindi man lang nakadama ng hiya ang pamangkin sa kanyang tiyuhin.