SINASABING ang leeg ng Chinese martial artist na si Li Liangbin ang pinakamalakas sa mundo. Sa sobrang lakas kasi ng mga ito ay kaya ng kanyang leeg na suportahan ang kanyang bigat kahit pa siya magbigti.
Ayon sa 49-taong gulang na martial artist master mula sa bayan ng Lizhuang ay matagal nang practitioner ng kung-fu ngunit sa kabila nito ay naghahanap pa rin siya ng mga paraan upang masukat ang kanyang galing. Nagawa na niyang dumurog ng mga hollow blocks at tumalon sa mga matataas na building ng hindi nasasaktan kaya nag-iisip siya ng iba pang puwedeng gawin upang mahasa ang galing niya sa kung-fu.
Ito ang dahilan kaya niya naisipang subukin ang lakas ng kanyang leeg sa pamamagitan ng pagbibigti.
Masusing pinaghandaan ito ni Li kaya nag-ensayo siya upang mapalakas ang mga kalamnan sa kanyang leeg upang masigurado niyang hindi mababali ang kanyang leeg at hindi siya masasaktan sa anumang paraan. Inabot siya ng 10 taon ng pag-eensayo para mapalakas nang todo ang kanyang leeg.
Matapos ang isang dekadang paghahanda ay nagagawa na ni Li na isabit ang kanyang leeg sa mga tali nang hindi siya nasasaktan. Kaya niyang mag-ehersisyo habang nakasabit at kayang-kaya niyang pakawalan ang sarili mula sa tali.
Mariin namang ipinapaalala ni Li na bagama’t mukhang napakadali ng kanyang ginagawa ay hindi dapat ito sinusubukan ng kahit sino. Matagal na siyang martial arts master at isang dekada siyang nagsanay upang magawa niya ang mga exhibition na ginagawa niya ngayon kaya siguradong madidisgrasya lamang ang sinumang susubok na gumawa ng mga stunt na kanyang ginagawa ngayon.