PATULOY ang pagbibigay ng All Points Bulletin (APB) ng BITAG Live. Mag-ingat sa “Langhap.” Modus ng mga taxi driver na kumag at utak-kriminal.
Hindi na ito bago subalit marami pa rin ang mga nabibiktima. Karamihan sa kanila, babae. Mga empleyado at call center agent na ginagabi o umuuwi ng madaling-araw.
Hindi nagbibigay ng babala, safety measures o mga kontra-modus ang Philippine National Police (PNP) laban dito. Kaya naman, agresibo ang BITAG sa pagbibigay-‘lerto at sapat na kaalaman sa publiko.
Dokumentado ng aming grupo kung papaano isinasagawa ng mga putok sa buhong taxi driver ang kanilang hokus-pokus.
Hindi ito reenactment tulad ng ginagawa ng ibang mga istasyon at palabas sa telebisyon. Ito ay aktuwal base na rin sa sumbong ng mga babaeng nabiktima.
Sa pag-iimbestiga ng BITAG investigative team noon pang nakaraang taon, nakumpirma naming nabibiling parang lugaw lang ang delikadong kemikal na ginagamit ng mga dorobong drayber. Hindi ko na babanggitin ang lokasyon at kung ano ang pangalan ng gamot na ayon na rin sa mga dalubhasang doktor, ginagamit lamang sa pag-oopera o maseselang surgery.
Maaaring hindi lang ito ang una, ikalawa o higit pang beses na narinig ninyong pagbibigay babala sa programa ko. Sinasadya ko talaga itong paulit-ulit na talakayin lalo na ngayong Kapaskuhan para maiiwas si Juana Dela Cruz kung saan abala ang lahat ng tao.
Ang delikadong kemikal ay nagdudulot ng biglaang pagkahilo, panghihina at pagkamanhid ng katawan ng pasahero na naka-langhap ng nasabing kemikal.
Kapag naisakatuparan nila ito. hindi lang nila nanakawan ang biktima dahil kapag minalas-malas, momolestyahin o gagahasain pa nila. Hindi ako nananakot.
Kaya ngayong alam niyo na, paalalahanan niyo na ang inyong asawa, mga anak na babae, kapatid, kaanak at mga kaibigan.
Para makaiwas at hindi mabiktima ng modus na “Langhap,” mag-log on sa bitagtheoriginal.com click “Modus Buster.”
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.