PALPAK na whisler blower ang dating Iloilo provincial administrator na si Manuel Mejorada na nagbunyag na umano’y overpriced ang Iloilo Convention Center (ICC).
Hindi dapat palampasin ng Senado ang ginawa ni Mejorada dahil baka sa mga susunod ay may lulutang na umano’y testigo sa anomalya e wala naman palang matibay na ebidensiya.
Mismong si Mejorada ang umamin na wala siyang matibay na ebidensiya at wala ring hawak na dokumento na magpapatunay sa kanyang alegasyon na umano’y overpriced ang ICC na iniuugnay kay Senate President Franklin Drilon.
Maging ang ilang senador sa pangunguna ni Senador Miriam Defensor Santiago at Sen. Koko Pimentel ay hindi na kumbinsido na ipagpatuloy pa ang ikalawang pagdinig ng Senate blue ribbon committee dahil sa wala naman talagang nailabas na ebidensiya si Mejorada.
Hindi lang dapat itigil ang pagdinig bagkus ay dapat parusahan ng Senado si Mejorada dahil inaksaya lang ang oras ng mga senador.
Maaring nagkulang din ang Senado dahil bago magtakda ng imbestigasyon ay marapat na tiyakin muna ang mga ebidensiya at bigat ng alegasyon para sa interes ng publiko. Sa hinaharap ay baka maraming may galit lang sa senador at mag-aakusa para magkaroon ng imbestigasyon pero wala naman palang ebidensiya.
Hindi ko masasabing walang anomalya sa ICC pero kung walang ebidensiya, paano mapapanagot ang mga responsable rito. Kahina-hinala ang motibo ng nag-donate ng lupain dahil sila ang nasunod sa disenyo ng gusali. Pakikinabangan nila ito lalo pa’t nakatakda ring magtayo ng hotel at iba pang istruktura.
Napaka-imposibleng bigay lang at walang balik na pakibanang ang nasabing donasyon ng lupain pero mananatiling hinala na lang ito kung walang ebidensiya o testigo na mismong may partisipasyon sa katiwalian.
Makabubuting hikayatin na lang ang sinumang nagnanais na magbunyag sa anomalya sa ICC na direktang magdidiin din sa mga opisyal ng gobyernong dawit dito.