MARAMI nang inatrasan si Vice President Jejomar Binay at isa na rito ang pakikipagdebate kay Sen. Antonio Trillanes. Nagpaumanhin na si Binay sa Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) dahil sa pag-atras sa debate.
Sana hindi na lang siya naghamon at nanindigan na lang na ayaw niya sa lahat nang pakikipagharap sa mga nag-iimbestiga. Para consistent siya at walang nadidismaya. Gaya nang pagtanggi niya sa kahi-lingang dumalo siya sa pagdinig ng Senado ukol sa inaakusa sa kanyang overpriced na Makati Parking Building. Tinanggihan niya. Katwiran niya, hindi siya makakatanggap ng patas na pagdinig. Lalaitin lang daw siya ng mga senador at ipahihiya. Sabi ni Trillanes at Sen. Alan Peter Cayetano, dapat ipaliwanag ni Binay ang lahat ukol sa kontrobersiyal na gusali. Hanggang sa lumutang ang “Hacienda Binay” na lalo pang nagpainit sa isyu ng mga ari-arian ng Vice President.
Inimbitahan din siya ni Sen. TG Guingona, chair-man ng Senate blue ribbon committee para maipaliwanag ang kanyang panig pero kagaya nang pagtanggi kina Trillanes at Cayetano, ganundin ang ginawa niya kay Guingona. Hindi raw siya dadalo sapagkat hindi magiging parehas sa kanya ang mga nag-iimbestigang senador. Sabi pa niya, pinupulitika lang siya. May mga ambisyon daw ang mga senador na nag-iimbestiga para tumakbo sa 2016 presidential elections.
Marami nang nadidismaya sa pagtanggi at pag-atras ni Binay. Kung talaga raw wala siyang itinatago at ginagawang masama, bakit hindi harapin ang mga nag-iimbestiga at patunayang walang katotohanan ang inaakusa. Kung walang ginagawang katiwalian, kahit bali-balikatarin pa ang pagtatanong ng mga senador, hindi magkakamali sapagkat totoo naman ang sinasabi. Umatras sa debate si Binay dahil hindi raw niya nagugustuhan ang attitude ni Trillanes na marami nang sinasabi gayung hindi nagdedebate. Lalabas daw siyang nagsasamantala at kakaya-kayanin si Trillanes.
Mababaw ang dahilan ni Binay sa pag-atras. Nagpapakitang matatalo siya ni Trillanes kaya biglang nag-backout. Sana hindi na lang siya naghamon. Nanindigan na lang sana siya na hindi papatol sa mga kalaban.