HUMIGIT-KUMULANG sa12.1 milyong pamilyang Pinoy, ikinukunsidera nilang mahirap sila ayon sa huling datus ng Social Weather Stations (SWS).
Ibig sabihin, sa kabila ng mga programa ng pamahalaan na mabawasan ang bilang na ito, nananatili pa ring mataas ang estatistika ng mga salat nating kababayan.
Walang masama kung nagbubuhos ng bilyones ang gobyerno para sa mga mahihirap nating kababayan. Pangunahing programa ito ng pamahalaan.
Nauna nang sinabi ng Palasyo, kabahagi ito ng pagpapataas ng antas ng pamumuhay o ‘yung tinatawag na inclusive growth.
Ito ang rason kung bakit binuo at patuloy na pinapalakas ang programa ng pamahalaan o ang Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) na kilala rin sa tawag na Conditional Cash Transfer o CCT.
Ito ay ibinibigay na may kaukulang kondisyon base sa kalagayan ng pamumuhay ng isang pamilya o indibidwal.
Subalit, marami rin ang mga nananamantala rito. Ginagamit ng mga malikhaing putok sa buhong pulitiko para magpa-epal at “pambili” ng boto. Patronage politics kung tawagin. Sila ang “patron” at ang mga benepisyaro ang kanilang “alaga.”
Sa problemang ito, hindi pa rito kasama ang mga reklamo’t sumbong sa tonggak na pangangasiwa sa pondo ng mga nangangasiwang ahensya ng gobyerno.
Hindi nasusunod ang tamang pamamaraan at proseso kung saan bawat kaganapan, agad naaabisuhan ang mga pobreng benepisyaryo.
Kaya may mga ilang nagrereklamo. Hindi kuntento sa hindi organisadong pamamalakad ng pondo. Nangangapa sa dilim. Naiipit sa hindi maayos at kawalang-koordinasyon ng mga nangangasiwa mapa-pamahalaang lokal man o nasyunal.
Ang punto rito, kung ang CCT ay isa sa mga pangunahing programa ng pamahalaan para maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap na pamilya, dapat pagtuunan ito ng pansin at atensyon upang hindi magamit ng mga kurakot at tiwali na may interes din sa bilyones na pondo.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.