NAGULAT si Jo. Napa-“huh”. Mariin na mariin ang pagkakabaon ng dalawang matigas na bagay sa likuran niya. Kahit makapal ang kanyang itim na jacket, nararamdaman niya ang tigas nang nakatutok. Delikado! Baka pagkumilos siya ay lalo pang idiin ang nakatutok.
Naging mahinahon siya sa pagkakataong iyon. Hindi siya nag-panic. Noon pa, turo sa kanyang ng kaibi-gang si Manong Wen, huwag magpapanik sa gitna ng panganib. Laging kalmado. Ang pagpapanik ang madalas na nagpapahamak sa tao. Nag-isip siya: Sino naman ang gagawa niyon sa kanya? Sino ang tututok sa kanya? Nasa loob siya ng pamamahay ni Princess. Ibig sabihin, may ibang tao na nakapasok sa bahay!
Hindi pa rin nagpahalata si Jo. Akma siyang kikilos pero lalo lamang idiniin ang dalawang matigas na bagay sa kanyang likod. Patalim kaya ang dalawang nakatutok? Kung patalim iyon, kanina pa lumagos sa jacket at nasugatan na siya. Posible ka-yang ice pick o screw driver? Pero sa pakiramdam niya, mas malaki iyon sa ice pick o screw driver. Baka tubo ng gripo. Pero bakit dalawa? Bakit kailangang dalawa pa ang sabay itutok sa kanya?
Naging kalmado pa rin siya. Hindi siya gumawa ng anumang move pero nag-iisip na siya ng mga paraan kung paano maiiwasan ang dalawang matitigas na bagay na nakatutok sa likuran niya. Dapat maiiwas niya sa katawan ang mga iyon.
Nakaisip na siya. Bigla siyang tatagilid para malihis ang dalawang bagay na nakatutok.
Kailangan lamang ay mabilis ang kanyang kilos sa pagkakataong iyon. Iglap lang dapat.
Nang inaakala niyang dapat nang isagawa iyon, mabilis siyang nagpasya. Iglap niyang isinagawa! Tumagilid siya!
Dumulas sa kanyang jacket ang dalawang bagay na nakatutok. Pagdulas, agad niyang nahawakan ng kaliwang kamay ang mga bagay. At mabilis namang kumilos ang kanyang kanang kamay para agawin ang mga bagay na iyon.
Nahawakan niya ang mga kamay ng tumutok at agad naagaw ang dalawang bagay na walang iba kundi mga arnis pala. Ang lubos na ipinagtaka niya ay napakalambot ng mga kamay na nahawakan niya. Makinis na makinis! Kamay ng babae!
At nang tingnan niya kung sino ang may-ari ng mga malalambot at makinis na mga kamay, ganun na lamang ang pagkagulat niya. Si Princess!
“Princess!’’
“Mang Jo!’’ (Itutuloy)