LUBOS na nagtataka ang mga magulang ng isang 12-anyos na bata sa Iowa, USA kung bakit hindi na ito nakakaramdam ng gutom at pagkauhaw.
Nagsimula ang kakaibang kondisyon ng batang si Landon Jones noon lamang isang taon. Tandang-tanda pa ng mga magulang ng bata na noong Oktubre 14, 2013 ay natulog si Landon na puno ang tiyan mula sa mga kinain nitong pizza at ice cream. Pagkagising ni Landon kinaumagahan, nawalan na siya ng kakayahang makaramdam ng gutom at uhaw.
Pina-check-up si Landon ng kanyang mga magulang sa mga pediatrician ngunit wala rin naging epekto ang mga iniresetang gamot ng mga ito. Bumiyahe na ang pamilya ni Landon sa iba’t ibang siyudad sa US upang makakuha ng iba’t ibang opinyon sa kondisyon ni Landon ngunit pare-pareho lang na nagtataka ang mga doktor na kanilang kinonsulta kung ano ang sanhi ng hindi pagkagutom o pagkauhaw ni Landon.
Pinsala sa hypothalamus ni Landon na dulot ng isang gamot na ipinainom sa kanya nang siya ay magkasakit ang tanging paliwanag na ibinibigay ng mga eksperto ukol sa kanyang kalagayan. Ang hypothalamus kasi ang bahagi ng utak na kumokontrol sa pagkaramdam natin ng gutom at uhaw. Dahil walang lumalabas na diperensiya sa mga pagsusuri kay Landon, ang paliwanag na ito ang pinaka-konkreto sa lahat dahil mahirap masuri kung may pinsala ang hypothalamus ng isang tao.
Lubhang nangangayayat na si Landon na nabawasan na ng 40 pounds ang timbang. Madalas na rin siyang lumiliban sa klase dahil madalas siyang nanghihina dahil sa kakulangan ng kanyang kinakain. Kaya naman desperado na ang mga magulang ni Landon na makahanap ng lunas sa kalagayan ng kanilang anak.