Gadget para maging invisible, naimbento sa Amerika

NAGAWA ng mga mana­naliksik sa isang unibersidad sa Amerika ang makapag-imbento ng isang gadget na kayang maging invisible ang sinumang gagamit nito.

Binansagan ang bagong tuklas na ‘invisibility cloak’ na hango sa tawag sa isang mahiwagang balabal sa nobelang Harry Potter na nagbibigay ng invisibility sa may suot nito. Mula sa pag-aaral ng mga siyentista sa University of Ro­chester ang bagong tuklas na gadget at sinasabing malaki ang kalamangan nito mula sa mga naunang naimbentong gadget na nagbibigay rin ng invisibility.

Hindi kasi katulad ng ibang naimbentong invisibility cloak, gumagana ang naimbento ng mga taga-University of Ro­chester sa tatlong dimensyon kaya mananatiling hindi makikita ang nakasuot ng gadget kahit pa ito gumalaw. Hindi rin mahahalata ang pagiging invisible ng nakasuot kahit pa titigan ito.

Gumagana ang invisibility cloak sa tulong ng mga kakaibang salamin na magtatago sa anumang mababalutan nito.

Bagamat wala pang plano ang mga nakaimbento ng invisibility cloak na gumawa ng isang full-sized version na kayang gawing invisible ang buong katawan ng isang tao, marami nang ibang praktikal na gamit ang naiisip ng mga imbentor para sa kanilang bagong tuklas na gadget.

Ayon sa kanila ay ma­laki ang magiging tulong ng kanilang naimbento sa mga doktor na nag-oopera dahil magagawang makita ng doktor pati ang mga parte ng katawan ng pasyente na natatakpan ng kanilang kamay. Maari rin gamitin ang mga kakaibang salamin ng invisibility cloak upang makita ng mga driver nang malalaking truck ang mga blind spot kapag sila ay nagmamaneho.

 

Show comments