PANAHON na ng Undas. Pinapaalalahanan ang publiko lalo na ang mga uuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Mag-ingat hindi lang sa mga siksikan at punuang terminal kung saan nagkalat ang mga dorobo at kawatan. Kundi ganundin sa mga maiiwan at sa iiwanan ninyong bahay.
Bagama’t all-year-round ang modus ng mga sindikatong nasa likod ng akyat-bahay, mas tumataas ang estatistika ng mga nalolooban at nabibiktima tuwing “ber” months.
Ito ang panahon na mas aktibo at agresibo ang mga putok sa buhong mga halang ang bituka. Alam nila na marami ang mga aalis at magsisiuwian.
Kaya ngayon palang, kuwidaw na sa mga estranghero at kahina-hinalang grupo o indibidwal na umaaligid sa inyong bahay. Kunwari’y lalapit at magtatanong. Lingid sa inyong kaalaman, sinisilip na pala nila ang kabuuan ng inyong bahay.
Posibleng miyembro sila ng Akyat-bahay gang. Tinitiyak lang ang bawat kilos ng mga residente bago nila ikasa ang kanilang aktibidades. Kapag nakahanap na sila ng tyempo, saka sila sasalakay.
All Points Bulletin ng BITAG sa mga aalis ngayong Undas, siguraduhing naka-lock ang lahat ng inyong mga bintana, pintuan at iba pa na maaaring pasukan.
Mabuti ring magbilin sa mga pinagkakatiwalaang kapitbahay. Tingnan at sindihan ang mga ilaw lalo na sa gabi upang hindi maging agaw-pansin sa mga kawatan.
Para makaiwas sa iba’t ibang uri ng modus, mag-log on sa bitagtheoriginal.com click “SAFETY CENTER.”
Abangan din ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.