IPINAGPATULOY ni Jo ang pakikinig sa usapan ng magkapatid na Princess at Precious. Tungkol pa rin sa mahiwagang pagtulong ng isang janitress kay Princess ang pinag-uusapan nila. Maski si Jo ay hindi rin makapaniwala sa ginawang tulong ng janitress na ayon kay Princess ay nakita niya sa comfort room ng school. Puti raw ang uniporme ng janitress. Pinasakay daw siya sa motorsiklo nito at mabilis na nakalabas ng school. At sa isang iglap daw ay nasa harapan ng bahay.
Nag-isip si Jo. Binalikan ng alaala kung may narinig siyang ingay ng motorsiklo kaninang dumating si Princess. Wala siyang maalala. Ang narinig niya ay ang ingay ng gate kung saan ay inalis ni Princess ang lock para makapasok. Wala siyang narinig na motor na naghatid dito.
Idinikit pa ni Jo ang pakikinig sa usapan ng magkapatid.
“Kinikilabutan ako sa ikinukuwento mo Ate!” sabi ni Precious habang nakatingin sa kapatid.
“Alam mo Precious, palagay ko guardian angel ang nagligtas sa akin. Kasi dasal ako nang dasal habang nasa cubicle. Dinasal ko na sana ay may taong tumulong sa akin para makalabas sa school at hindi makita ng mga lalaki.’’
“Hindi kaya ang kaluluwa ni Tatay ang tumulong sa’yo, Ate?”
“Iyon din ang naisip ko, pero janitress ang tumulong sa akin. Isang malaking babae na para bang sanay na sanay sa anumang trabaho. Kung lalaki sana ay baka nga si Tatay pero babae ang tumulong sa akin.’’
“At ang sabi mo ay nakasuot ng puting uniporme? Nagpuputi ba ang mga janitress, Ate?’’
“Nagtataka nga rin ako. Nun lang ako nakakita ng janitress na naka-white.’’
“Pero sabi mo Ate, inihatid ka ng motor diyan sa tapat natin, e bakit wala akong narinig na ingay. Tahimik na tahimik kanina. Ang narinig ko ay ang pagbubukas mo ng gate.’’
“Wala kang narinig na ingay, Precious?’’
“Wala!’’
Nag-isip si Princess. Ngayon siya lubos na naniniwala na guardian angel na ang tumulong sa kanya. Nagpasalamat siya sa Diyos dahil doon.
“Pero Ate paano kung dito naman sa bahay natin magtungo ang dalawang lalaki? Baka sa sandaling ito ay may aaali-aligid na sa bahay natin. Baka sinusubaybayan na tayo ng mga tauhan ni Chester.’’
“Huwag kang matakot. Alam kong may nagbabantay sa atin. Hindi tayo pababayaan.’’
“May guardian angel na nagbabantay sa atin, Ate?”
“Oo. Laging nakabantay sa atin.’’
Napangiti naman si Jo na noon ay nakakubli at nakikinig sa magkapatid. Ako ang guardian angel n’yo, bulong niya sa sarili.
(Itutuloy)