NOONG Sabado, grabeng trapik na naman ang naranasan sa maraming bahagi ng Metro Manila. Hindi na ang mga truck na may dalang container ang dahilan ng trapik kundi ang kaliwa’t kanang paghuhukay at pagbakbak sa mga kalsada. May binakbak sa bahagi ng EDSA, Mindanao Avenue, Congressional Ave., C. P. Garcia, Roxas Blvd. at ilan pang malalaking kalsada na madalas o parating dinadaanan ng mga motorista. Dahil iisa o dalawang lane lang ang nadadaanan, usad pagong ang mga sasakyan. Mayroong nagkakasagian pa dahil nag-uunahan ang mga sasakyan na maiwasan ang inaayos na kalsada. At ang resulta nang pag-uunahan at pagsasagian, lalong mabigat na trapik. Halos hindi na gumagalaw.
Maraming nagmumura dahil sa bigat ng trapik. Walang ibang minumura kundi ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa mga ginagawang paghuhukay. Bakit ngayong panahon ng tag-ulan binabakbak ang kalsada at hindi noong tag-init para madaling matuyo ang semento. Bakit kung kailan papalapit na ang holiday season saka isinasagawa ang mga reblocking sa EDSA na nagpapabigat sa daloy ng trapiko. Ngayong Todos los Santos na magdadagsaan ang mga tao sa kani-kanilang probinsiya, tiyak na lalo pang bibigat sa trapik ang malalaking kalsada sa Metro Manila particular ang EDSA, A. Bonifacio, Quezon Avenue, Taft Avenue at Roxas Blvd.
Kailan matatapos ang mga paghuhukay at paglalagay ng mga culvert? May mga project na sinimulan pa noong nakaraang taon at hanggang ngayon ay hindi pa natatapos. Isa na rito ang Blumentritt flood project na nakatiwangwang pa ang ilang bahagi, partikular ang sa may tapat ng Manila North Cemetery. Ngayong Undas, tiyak na mabigat na trapik ang aasahan sa lugar.
Pero sabi naman ng DPWH, ititigil daw ang mga paghuhukay bago ang holidays. Wala raw munang paghuhukay at pagre-repair ng kalsada. Sana nga, ay totoo ito. Alisin muna ang mga hadlang sa kalsada para maluwag ang pagdaan ng mga motorista.