Ang sako

MAKIKITA sa kalsada ang lalaking hirap na hirap sa pag­lalakad dahil sa bitbit niyang sako sa kanyang likod. Isang anghel ang nagpakita sa kanya at nagtanong:

“Ano ang laman ng sako at mukhang nabibigatan ka?”

“Mga alalahanin (worries) ko sa buhay”

Binuksan ng anghel ang sako, ngunit natuklasan nito na wala itong laman. “Ano ba ang ipinag-aalala mo sa iyong buhay?”

“Ang mga palpak na nangyari sa akin noong nakaraang araw at ang kinabukasan kong walang kaseguruhan,” paliwanag ng lalaki.

“Bakit mo pinoproblema ang mga bagay na iyon? Wala ka nang magagawa sa nakaraan dahil nakalipas na iyon. Ang kinabukasan mo ay hindi pa nangyayari, kaya walang dahilan para problemahin mo ito.”

Muling lumapit ang anghel sa sakong nasa likod ng lalaki. Tinanggal niya ito at itinapon. “O, ano ang pakiramdam mo ngayon?” tanong ng anghel sa lalaki.

“Magaan…maginhawa”

Worry does not empty tomorrow of its sorrow, it empties today of its strength. - Leo Buscaglia

Show comments