NOONG isang gabi, dumalo ako sa isang benefit concert para sa isang kaibigan na dinapuan ng sakit na kanser. Mga kaibigan din niya ang nagpasimuno ng konsiyerto na simple at idinaos sa isang maliit na lugar sa Quezon City. Walang talent fee ang mga singer na nagtanghal sa konsiyerto at ang bayad sa tiket ay para sa magastos na chemotherapy na pinagdadaanan niya.
Mamamalas sa mga dumalo ang pagsuporta nila sa kaibigan kong iyon. Pumuno sa lugar ang tawanan, inuman, at ang hindi matapus-tapos na kuhanan ng mga litrato. Piktyur-piktyur, ‘ika nga. Walang iyakan. Lahat ay yumayakap at nangungumusta at nagbibigay ng suportang moral sa kanya.
Sa mga sandaling iyon, parang ang hirap sa kalooban ang pag-usapan ang kanyang sakit na batid ng lahat kung anong klaseng sakit ito. Tulad ng unang nararamdaman ng iba kapag natutuklasan nilang merong kanser ang kanilang mahal sa buhay, kaibigan, kasamahan sa trabaho, at iba pang kakilala. Mistulang palaisipan kung paano magpapahayag ng simpatya at pakikiisa sa taong merong ganitong karamdaman.
Minsan, nang makadalaw ako sa bahay ng isang kakilala na ang misis ay merong kanser na nasa stage 4 na, napansin ko na isa o dalawa lang ang gamit nilang baso at pinggan nang magkainan kami. Sabi niya, pinagbabasag daw ng kanyang asawa. Madalas daw na may sumpong at mainit ang ulo. Sinisikap na lang daw niyang unawain ito dahil sa kalagayan nito.
Sa Facebook, merong kumalat minsan na mensahe mula sa isang nagpapakilalang isang cancer survivor. Iminumungkahi niya na mas makakabuti na magpadala ng card o sulat sa isang pasyenteng may kanser kaysa sa dalawin ito. Kung dadalawin mo kasi siya, baka magkataon na kailangan niya ng pahinga o dumadaan siya sa isang gamutan o kailangan niyang mapag-isa. Kung papadalhan mo siya ng card o sulat o bulaklak halimbawa, mas makakaginhawa para sa kanya dahil maaari niyang ipagpatuloy ang anuman niyang ginagawa at balikan ang mga ito pagkatapos. Puwede ring magpadala sa kanya ng mensahe sa social media o sa email kung nakakagamit siya ng laptop o computer o mag-text sa kanya na maaari niyang mabasa sa libre niyang oras.