NASUBUKAN na naman ang mga probisyon sa kontrobersiyal na Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at US.
Maganda naman ang layunin sa VFA dahil nakakatulong ito sa mga pagsasanay sa mga Pilipinong sundalo gayundin ang paggamit sa mga makabagong armas at kagamitan.
Bukod dito ay makakatulong din sa ekonomiya lalo na sa mga lugar na pagdadaungan ng mga barko ng mga Amerikanong sundalo. Marami pang maaring benepisyo ang Pilipinas sa VFA dahil magpapaigting ito sa diplomatikong relasyon sa US.
Pero heto na naman at muling nasasalang sa kontrobersiya ang VFA dahil sa umano’y kasong pagpatay ng isang US Marine sa isang transgender sa Olongapo City.
Ayon kasi sa report ay napatay umano ang biktimang transgender na si Jeffrey Laude alyas Jenny 26-anyos at ang itinuturong pangunahing suspek ay si US Marine Private 1st Class Joseph Scott Pemberton.
At sa ikalawang pagkakataon ay muling masasalang sa kontrobersiya ang VFA na batay sa paunang report ay lumilitaw na dehado na naman ang Pilipinas dahil hindi puwedeng obligahin ang US government na i-turn-over ang suspek sa custody ng Pilipinas. Batay kasi sa VFA ay nasa desisyon ng US government na akuin ang custody o ibigay sa Pilipinas na malabong mangyari ito.
Normal lang din naman sa US government na kanilang bigyan ng sapat na proteksiyon ang kanilang sundalo at matiyak na maibibigay ang pinakamainam na serbisyo at lahat ng karapatan para sa isang akusado.
Maaari naman mabago ang sitwasyon kung aamyendahan ang ilang probisyon sa VFA para maging patas sa Pilipinas sakaling mayroong lumabag dito na Amerikanong sundalo.
Pero ang aabangan natin kung makakalusot muli ang Amerikanong sundalo tulad ni Lance Corporal Daniel Smith na naabsuwelto sa rape matapos umatras ang biktimang si ‘Nicole’ na ngayon ay nasa US na.