NOONG Nobyembre 2005, isang Pinay ang ginahasa ng isang US Marine sa loob ng isang tumatakbong van sa Subic. Makaraang gahasain, ibinaba sa isang lugar ang Pinay sa isang kaawa-awang kalagayan – hubad ito at may palatandaang ginahasa. Ang Pinay ay tinawag na “Nicole”. Umano’y apat na US Marine ang sangkot sa panggagahasa subalit isa lamang dito ang nadiin --- si Lance Corporal Daniel Smith, 19. Kabilang ang apat sa mga sundalong Kano na nagdaraos ng war games sa Subic sa pagitan ng mga sundalong Pinoy bilang bahagi ng Visiting Forces Agreement (VFA). Nahuli rin si Smith at na-convict noong 2006 pero napawalang-sala rin siya ng Court of Appeal makaraang bumaliktad si “Nicole”. Ayon kay “Nicole” hindi raw siya sigurado kung na-rape nga ni Smith. Makaraan iyon, nabalitang nasa US na si “Nicole”.
Ganunman, kahit napawalang-sala ng korte, nadungisan din ang VFA kahit paano. Maraming kumuwestiyon sa VFA. Hiniling na rebyuhin ito dahil maraming butas na nakita. Agrabyado ang Pinoy na mabibiktima ng mga abusadong sundalo. Isang butas ay ang pananatili sa custody ng US Embassy sa sinumang sundalong makagagawa ng kasalanan sa Pilipinas gaya nang nangyari kay Smith na “ikinulong” lamang sa kanilang embahada. Hanggang sa mawala na ang isyu at naglaho na ang pakikipaglaban sa rapist. Agrabyado talaga ang mga Pinoy sa military cooperation.
Ngayon ay may matindi na namang nangyari. Hindi lang rape kundi may pinatay pa ang sundalong Kano. Isang transgender sa Olongapo City ang natagpuang nakasubsob sa inidoro at patay na noong Sabado. Naganap ang pagpatay sa isang motel. Nakilala ang biktima na si Jeffrey Laude alyas “Jenny” at ang sundalong Kano ay si Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton.
Mas mabigat ang kasong ito sapagkat buhay ang nawala. Kailangang gumawa ng paraan ang gobyerno para maisilbi ang hustisya. Hindi ito katulad ng kaso ni Smith. Mas mabigat ito. Magpapatuloy ba ang military exercises o cooperation ngayong may dugong umagos at ang may kagagawan ay sundalong Kano na naman. Huwag balewalain ang kasong ito.