ISANG dambuhalang baboy-damo na may habang 8 talampakan at bigat na lampas 500 pounds ang nahuli ng mangangasong si Jett Webb matapos niya itong tugisin nang mahigit isang buwan.
Lubhang namangha si Jett sa taglay na laki ng baboy-damo nang una niya itong nakita at hindi siya makapaniwala na may ganoong kalaking hayop na pagala-gala sa kakahuyan sa North Carolina.
Matagal nang tinutugis ng ibang mga mangangaso ang baboy-damo kaya marami nang narinig tungkol dito si Jett bago pa man niya ito nahuli. Nakilala agad niya ang baboy-damo nang una niyang nakita ito hindi lamang dahil sa taglay nitong laki kundi pati na rin sa mga pangil nito at malaking pangangatawan.
Naglagay ng pain na mais si Jett upang mahuli ang baboy-damo. Nang mahulog ito sa kanyang patibong ay saka niya ito pinaputukan gamit ang kanyang .380 kalibreng baril. Namatay agad ang baboy-damo.
Sa sobrang laki ng baboy-damo, halos hindi ito magkasya sa likuran ng pick-up truck ni Jett. Nasira rin ang unang timbangan na kanyang ginamit para malaman kung gaano kabigat ang baboy-damo.
Sa halip na i-display ang nahuling baboy-damo, gagawin itong sausage ni Jett. Minabuti na niyang gawin itong pagkain para mayroon siyang isang taong supply ng sausages.