`FLASH Report: Hilong-talilong ang mga financiers ng pergalan sa Calabarzon area dahil sa tara sa kanila ni Romy Tolentino na P50,000 kada puwesto. Sa unang sultada, P35,000 lang ang tara ni Tolentino subalit sa bandang huli nagpasobra sya. Abo’t langit ang nerbiyos ng mga financiers dahil kapag hindi sila makipag-ayos kay Tolentino, magdadala ito ng TV crew at kukunan ang kani-kanilang puwesto. Kung sabagay, epektib ang ganitong sistema ni Tolentino sa Central Luzon kaya walang dahilan kung bakit hindi ito gagana sa Southern Luzon, di ba mga kosa? Ang gamit ni Tolentino na tong collector sa Calabarzon ay si Benjie Valencia. Teka, di ba nasunog ni Tolentino ang isang buwan collection n’ya? Anyare? Gumigimik si Tolentino nang pambayad?
• • • • • •
Halos alam na ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima kung sino ang nag-Hudas sa kanya. Sa ipinatawag niyang command conference noong Lunes, inihayag ni Purisima na may kinalaman ang isang nilalang na malapit sa kanya sa smear campaign laban sa kanya. Hindi naman pinangalanan ni Purisima ang pinagbibintangan niya subalit malaki ang paniniwala ng mga dumalong police officials na tukoy na ng hepe nila kung sino ang Hudas sa kanilang hanay. Siyempre, ang paniwala ng mga police officials, ang pinagdudahan ni Purisima ay ‘yaong mga nag-aambition sa puwesto niya. Boom panes! Hehehe! Sino kaya sa mga police officials ang tinutukoy ni Purisima? Kayo mga kosa, alam n’yo na ba?
Ang ibinigay na halimbawa ni Purisima kung bakit sa tingin niya ay malapit sa kanya si Hudas ay ang P3.7 milyon niyang bahay sa San Leonardo, Nueva Ecija. Ayon kay Purisima, itinatago niya ang ari-arian sa San Leonardo para sa pagretiro n’ya, doon na sila mamalagi ng kanyang pamilya bilang security nga dahil marami siyang natapakan habang PNP chief siya. At siyempre, ang lugar ay hindi nga halos alam ng provincial directors ng Nueva Ecija at nagtaka s’ya dahil nabanggit ito ng mga detractors niya. Malaki ang paniwala ni Purisima na ang nagbigay ng datus sa kalaban niya ay ‘yung taong inimbitahan niya sa bahay sa San Leonardo. Tiyak ‘yun!
Si Purisima kasi ay nasa abroad nang ang pagsampa ng kaso at mga bintang laban sa kanya ay naglabasan sa mga balita. Kaya nang dumating noong Linggo nag-set siya ng command conference sa Camp Crame ng bandang 2:00 ng hapon. Subalit makailang ulit na na-postpone ang naturang pulong dahil ipinatawag ni P-Noy si Purisima sa Palasyo.
Sinabi ng mga kosa ko na si P-Noy at dating PNP chief at senador Ping Lacson ay nag-usap bago dumating si Purisima. Si Lacson ay sa likod dumaan para hindi sila magkasalubong ni PNP chief. O may clue na kayo ha, mga kosa? Halos dalawang oras ding nag-usap sina P-Noy at Purisima bago dumating si DILG Sec. Mar Roxas na nag-join sa meeting. Pinatawag ni P-Noy ang speechwriter ng Palasyo at dinale na nga ang pagsuporta ni P-Noy kay Purisima. Habang nasa kainitan ng pag-uusap sa Palasyo, naka-monitor naman ang mga opisyales ng PNP sa Camp Crame sa pamamagitan ng text messages ng spy nila. Ang huling text ng spy ay lumabas si Purisima sa Palasyo na “laglag ang tuka”? Ang akala ng mga police officials, magre-resign si Purisima. Nagkamali sila! Abangan!