BUMAGSAK na ang popularidad na nakuha ni Vice President Jejomar Binay para sa mga posibleng manalo sa 2016 presidential elections.
Ang pagbagsak ng rating ni Binay ay sa gitna ng mga alegasyon dito ng katiwalian sa pangunguna ng umano’y overpriced na Makati parking building at pagmaniobra raw sa halos lahat nang proyekto sa Makati.
Bagamat nangunguna pa rin si Binay na nakakuha ng 31 percent para manalo sa 2016 presidential elections bumagsak ang rating nito kumpara sa nakaraang survey na 41 percent.
Kung hindi makukumbinsi ni Binay ang taumbayan na hindi siya nakinabang sa Makati parking building at mga proyekto, maaring bumagsak pa ang kanyang rating.
Ang dapat unahin ni Binay ay makumbinsi ang Supreme Court na sila ay kampihan at ipatigil ang imbestigasyon ng Senado.
Naniniwala ang kampo ni Binay na nagtatago ang committee sa kapangyarihang in aid of legislation pero ito ay paninira lamang. At ang tanging makakapigil dito ay ang SC.
Ayon kay Dean Amado Valdez, nasa Ombudsman na ang kasong katiwalian laban kay Binay at dapat irespeto ng Senado.
Kapag napatunayan ng SC na umabuso ang Senado, maaring ipatigil nito ang imbestigasyon.
Abangan kung makakayanan ni Binay na malampasan ang delubyong ito at maging Presidente siya.