SA hindi malamang dahilan, basta na lang natagpuan ni Father Jose isang umaga, na nasa itaas ng puno ang kanyang alagang kuting. Sa kanyang pagtataka, ngiyaw ito nang ngiyaw sa itaas ng puno pero ayaw bumaba. Naglagay ng cat food ang pari sa pinggan, tinawag niya ang pansin ng kuting, ngunit inisnab lang ang pagkain.
Ang puno ay mataas ngunit payat ang trunk at branches, delikadong mabali ang sanga kung aakyatin niya ang kuting. May naisip siyang paraan para maabot ang kinaroroonan ng alaga: Tinalian niya ng lubid ang sanga. Ikinabit niya ang kabilang dulo ng lubid sa owner type jeep niya. Pinaandar niya ito nang mabagal upang mahila ang sanga pababa. Sa ganitong paraan, yuyuko ang sanga at mabilis na niyang maabot ang pusa. Kaso naputol ang lubid kaya ang sangang tinalian ay pumaltik sa ere kasama ang kuting. Kung saan ito bumagsak, walang nakakaalam. Umusal na lang ng maikling panalangin ang pari: Diyos ko, bahala ka na sa aking alaga.
Isang araw ay may babaeng dumating sa opisina ng simba-han. Gusto niyang mag-offer ng Thanksgiving Mass. Nagkataong ang babae ay kakilala ng sekretarya ng simbahan.
“Naka-jackpot ka na siguro sa lotto, kaya magpapamisa ka!” biro ng sekretarya sa babae.
“Ha-ha-ha, hindi!” Habang nagtatawa ay nagpatuloy ito ng pagkukuwento. “Gusto kong magpasalamat sa Diyos dahil sinagot niya ang panalangin ko na padalhan niya ng pusa ang aking anak. Kamamatay lang kasi ng kanyang alaga. Ilang araw nang iyak nang iyak. Naidalanganin ko tuloy sa Diyos na magkaroon sana ng kapalit ang namatay niyang alaga para hindi na malungkot ang aking anak. Pagkatapos ng ilang araw, biruin mong bigla na lang may kung anong bumagsak sa aming bakuran. Nang titigan ko’y isang napaka-cute na kuting. Bongga talaga ang Diyos, direct from heaven pa ang iniregalo niyang pusa sa aking anak.”