PATULOY na nagbibigay ng All Points Bulletin (APB) ang BITAG sa publiko. Mag-ingat sa modus ng mga nagpapanggap na katulong.
Kunwari’y nag-aaplay o naghahanap ng trabaho ‘yun pala para lang makapanloko at makapang-gantso.
Hindi na bago ang ganitong uring modus. All-year-round o wala itong pinipiling panahon. Basta may oportunidad, isasagawa nila ang kanilang aktibidades.
Nitong nakaraang araw, isang ginang ang lumapit sa BITAG T3. Biktima umano siya ng kawatang kasambahay.
Ayon kay Marlene, nilimas ng nagpanggap na katulong ang mahigit P80,000 halaga ng kaniyang mga gadget,pera at iba pang ari-arian.
Ang siste, nagpaiwan umano sa bahay ang katulong nang niyaya niya itong sumama sa Maynila para ihatid ang kolehiyong anak. Subalit, nagsakit-sakitan ang putok sa buho para maisagawa ang kaniyang modus.
Makalipas ang isang oras, pagbalik ni Marlene sa bahay, wala na ang pinagkakatiwalaang katulong at nakulimbat na ang mga mahahalaga niyang kagamitan.
Dalawang buwan palang na naninilbihan sa biktima ang suspek subalit nagtiwala umano siya ng malaki dito dahil isang kaibigan ang nagrekomenda sa kaniya.
Lingid sa mga matatamis na salita at paimbabaw na kabaitan ng dorobong kasambahay, nagpa-plano na pala ito kung papaano niya maiisahan ang amo.
Kaya babala ng BITAG, hindi masamang magtiwala sa kapwa pero maging mapanuri upang hindi maisahan ng mga dorobo’t manggagantso.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.