Brownies na gawa sa insekto, naimbento sa Iceland

BAGAMAT may mga lipunan na likas na ang pagkain ng insekto, hindi pa rin tanggap ng karamihan ang pagkain nito. Kaya naman kakaiba ang naisip ng dalawang negosyante mula sa Iceland na magbenta ng mga energy bar o brownies na gawa sa mga insekto.

Kasulukuyang nauuso ang pagkain ng energy bar lalo na sa mga mahihilig mag-ehersisyo dahil nakakapagbigay ito ng panandaliang lakas para sa mga nakakaramdam ng pagod.

Kaya naman naisipan nina Bui Adalsteinsson at Stefan Thoroddsen na magbenta ng brownies na gagawin nilang kakaiba sa pamamagitan ng paggamit ng mga dinurog na insekto bilang sangkap.

Naisip nilang gumamit ng insekto sa paggawa ng mga energy bar dahil mabasa nila ang isang pagsasaliksik mula sa United Nations na nagsa­sabing magandang mapagkukunan ng protina ang mga insekto.

Sa kabila ng kanilang kakaibang ideya ay nakahanap naman kaagad sila ng mga gustong mamuhunan sa kanilang naisip na negosyo kaya nakapagpatayo kaagad sila ng isang kompanya na magbebenta ng naisip nilang brownies.

Ayon sa dalawa, magiging mas masustansya ang kanilang mga ipagbebentang energy bar kaysa sa mga pangkaraniwang mabibili ngayon sa mga tindahan. Bukod sa protina ay magiging siksik din daw ito sa iba pang mga bitamina na makakapagbigay ng lakas para sa mga kumakain nito.

Tanggap naman nina Bui at Stefan na maaring sa una ay madiri ang mga tao sa mga energy bar na ipagbebenta nila dahil sa sangkap nito ngunit ipinapangako nila na hindi maglalasang insekto ang kanilang mga ibebentang produkto.

Plano na ng dalawa na ibenta na sa publiko ang kanilang mga kakaibang energy bar sa huling bahagi ng taong ito.

Show comments