DAPAT isailalim din sa lifestyle check ang mga auditor ng COA na madalas ay dawit sa mga anomalyang kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno.
Kung inaakusahan ng pagnanakaw sa pondo ng bayan ang isang opisyal ay dapat awtomatikong kasamang imbestigahan ang COA auditor at sampahan ng kaso upang papanagutin sa batas.
Isang halimbawa ay ang kaso sa Makati City na ang ginagawang depensa ng kampo ni Vice President Jejomar Binay ay wala raw anomalya sa parking building dahil dumaan sa pagsusuri ng auditor ng COA.
Kung dumaan sa pagrepaso ng COA at napatunayang mayroong anomalya sa proyekto ay patunay na kasabwat ito sa katiwalian.
Ang nakakapagtaka nga lang, lahat nang ahensiya ng gobyerno mula national hanggang local ay mayroong itinatalagang auditor upang tagabantay sa paggastos ng pondo.
Pero sa kabila ng pagkakaroon ng COA auditor sa bawat ahensiya at lokal na pamahalaan ay bakit mayroon pa ring nakakalusot ng anomalya na maituturing na indikasyon na may sabwatan o kasama ang auditor sa nakinabang sa pagnanakaw ng isang opisyal.
Panahon na upang i-lifestyle check ang auditor ng bawat ahensiya at kung mapatunayan na hindi naman sila nakipagsabwatan sa opisyal na sangkot sa anomalya ay malilinis agad ang kanilang pangalan sa mata ng publiko.
Kung totohanang maghihigpit ang mga auditor ng COA, mahihirapang makalusot ang isang opisyal na nagtatangkang magnakaw sa kaban ng bayan.
Bukod sa mga opisyal ng PNP na isasalang sa lifestyle check, isunod dito ang mga auditor ng COA para matiyak ang kanilang pamumuhay kung akma sa kanilang kinikita.