5. Pramis, Pare…Love na Love Kita!
ITO ‘yung moment na parang may ‘butterfly’ na lumilipad sa iyong tiyan, tapos ang bilis ng tibok ng iyong puso. Nangyayari ang mga ganitong kawirduhan tuwing nakikita ni John si Richard. Alam ni John sa pinakasulok ng kanyang puso na si Richard lang ang itinatangi ng kanyang puso. Nagkakilala sila noong 1948 at parehong nag-aaral sa Juilliard School sa New York. Ito ay dating Institute of Musical Art. Si John ay kabilang sa batch ’51 ng Bachelor of Music major in Voice. Magkapareho sila ng major pero kabilang sa batch ’50 si Richard. Naging matalik silang magkaibigan. Nagkaunawaan sila ng damdamin habang isinekreto nila ang kanilang tunay na “pagkatao”. Nang mga panahong iyon, hindi katanggap-tanggap sa lipunan ang pagiging bakla, ‘yun pa kayang same sex relationship? Kaya ingat na ingat sila sa kanilang “special relationship”. Naging voice teacher sila nang magtapos ng kanilang pag-aaral.
Nagkaroon ng asawa si John at nagkaanak ng lalaki, si Paul. Pero hindi iyong naging dahilan para magkahiwalay ang dalawa. Dumating ang panahon na nakipag-divorce ang misis ni John at iniwan si Paul sa kanyang kalinga. Tinulu-ngan ni Richard si John na palakihin ang anak. Ngunit noong 1983, namatay sa car accident si Paul. Mula noon hindi na sila naghiwalay pa.
Salamat sa New York Marriage Equality Act, winakasan na nina John at Richard ang pagtatago sa kanilang tunay na pagkatao at relasyon. Dahil sa nasabing batas, puwede nang magpakasal ang dalawang taong may parehong kasarian simula noong 2011. Naging katanggap-tanggap na sa lipunan ang uri ng kanilang pagmamahalan na tumagal ng 61 years, kaya ang sabi ni Richard: We are no longer second-class citizens. Si Richard ay 84, samantalang si John ay 91 nang araw na sila ay ikinasal.