MAY nakakaintriga ngayong festival sa Japan na kung tawagin ay Shukatsu Festa. Pangkaraniwan na ngayon sa mga Japanese ang planuhin at paghandaan na nila ang kanilang kamatayan. Siguro ay iisipin ninyong may taning na ang kanilang buhay o senior citizen na, kaya pinaghahandaan ang kanilang magiging funeral service. Hindi po. In fact, sila ay nasa kasagsagan ng kanilang career, malusog ang pangangatawan at masaya sa kanilang buhay.
Ilang araw bago maganap ang festival, ang mga taong nais sumali ay totoong mag-oorder ng kabaong at kumpletong funeral service. Ang kabaong na inorder ang mismo nilang hihigaan upang ma-feel ang “interior” ng kabaong. Bago humiga sa kabaong, sila muna ay aaplayan ng make-up. Bibihisan ng napiling damit. Magpo-pose sila sa photographer na parang isang bangkay na nakahimlay upang makita kung ano ang magiging hitsura nila kapag patay na sila. Sa litrato rin nila makikita kung ang ginamit na lining sa kabaong ay bagay sa kanilang skin tone at damit na pamburol. Ang burol drama ay may kasama pang flower arrangement. Ang objective ng festival ay ma-capture ng mga participants ang over-all feeling ng isang nakaburol at kung ano ang magiging hitsura ng kanilang future funeral.
Ang festival ay ginagawa sa Tokyo at umaakit ng higit sa 5,000 turista. Mga lalaki at babaeng hindi pa sumasapit sa kanilang senior years ang sumasali. Umaabot ng 50 companies ang sumasali sa festival. Kumpleto sila ng kabaong catalogue na ipiniprisinta sa mga kliyente. Upang makaakit ng malaking sales, may promo pa ang mga kompanya ng “design your own funeral”. Malas daw paghandaan nang advance ang kamatayan, ayon sa pamahiin ng matatandang Japanese. Pero ipinagkibit balikat lang ito ng mga kabatang may malawak at modernong kamalayan tungkol sa kamatayan. After all, malas ka man o masuwerte, iisa lang ang pupuntahan ng lahat – ang kamatayan.