Pumasok na nga ang ‘ber months’na dito inaasahan ang pagtaas ng mga petty o street crime.
Aminado dito ang PNP at tila ito na nga ang inaasahan ang pagiging aktibo na naman ng mga kawatan sa lansangan.
Ang lubhang nakakaalarma rito, sa mga nagsasagawa ng tinatawag na petty o street crime, karamihan na yata ay kinasasangkutan ng mga kabataan.
Noon lamang nakalipas na Martes, isang family driver ang pinatulungang saksakin ng mga menor de edad na holdaper.
Napatay ang 56-anyos na driver ng apat na kabataan na ang edad eh nasa 14 hanggang 16-anyos.
Parang manok lang kung pumatay ang mga bagets na ito na tanging nakuha sa kanilang biniktima na noon ay papasok lamang sa trabaho ay P100 at baon nitong kanin at ulam.
Kamakalawa sa Pasay City, isang konduktor ng bus ang napatay din ng dalawang barker na bagamat hindi na maikokonsidera na bagets eh sumasideline na snatcher at holdaper.
Tinulungan kasi ng konduktor ang babaeng pasahero matapos hablutan ng kuwintas ng mga suspect na barker. Siya ang pinagbalingang saksakin ng mga suspect na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Ilan lang ito sa mga madalas na krimen na nangyayari sa mga lansangan sa araw-araw partikular sa Metro Manila na bagamat sinasabing ‘petty’ eh dumarating sa punto na nagiging karumal-dumal dahil nga madalas na nauuwi sa pagpatay.
At sa pagpasok na nga ng ‘ber months’ dapat ang ganitong mga insidente ang dapat na matutukan.