Teenager sa California, nakaimbento ng cell phone battery na kayang mag-fully charged sa loob ng 20 seconds

SA hinaharap, maaring hindi na magiging problema ang pagiging ‘lowbat’ ng ating mga cell phone, salamat sa bagong imbensyon ng isang teenager mula California.

Nakaimbento kasi si Eesha Kare, 18, high school student mula Saratoga, California, ng isang klase ng baterya na kayang mag-recharge sa loob lamang 20 segundo. Matibay din ang baterya na kanyang naimbento dahil tumatagal ito ng hanggang 10,000 beses na pagre-recharge kumpara sa mga baterya ngayon na pumapalya na pagkatapos lamang ng 1,000 beses na pagre-recharge.

\Kakaiba ang baterya na naimbento ni Eesha dahil isa itong supercapacitor na kayang mag-ipon ng kuryente sa loob lamang ng ilang segundo na kailangan itong i-charge. Bukod sa mabilis i-charge, mas matagal din bago ma-lowbat ang bateryang naimbento ni Eesha kumpara sa mga pangkaraniwang baterya ngayon na nasa ating cell phone.

Naisipan niyang gawin ang kanyang kakaibang baterya nang minsang mapahiwalay siya sa kanyang mga magulang at nagkataong na-lowbat ang kanyang cell phone. Muntik na siyang mawala dahil hindi niya magawang makontak ang kanyang  mga magulang. Noon niya napagtanto ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang baterya na mabilis i-charge at hindi basta-basta nalo-lowbat.

Dahil sa kanyang naimbento, pinarangalan siya ng isang sikat na kompanya ng computer sa isang science fair competition sa Arizona para sa mga batang scientist. Nakamit niya ang pangalawang puwesto sa nasabing patimpalak at nakapag-uwi ng $50,000.

Show comments