PATULOY ang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee sa umano’y overpriced na Makati building na ginawa noong si Vice President Jejomar Binay pa ang mayor ng lungsod. Kahapon, binisita nina Senators Antonio Trillanes IV at Koko Pimentel ang gusali kasama ang quantity surveyor, architects, engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kinatawan ng Philippine Contractors Association. Sabi ng surveyor at architect, average lang ang gusali. Ibig sabihin hindi ito pang-world class. Kaya naniniwala ang experts na overpriced ang gusali. Dahil dito, tuloy ang Senate blue ribbon sa imbestigasyon.
Mula nang ihayag ni VP Binay na kakandidato siya sa mataas na posisyon sa 2016 elections, naglabasan na ang mga mabibigat na isyu hindi lamang sa kanya kundi pati sa anak na kasalukuyang mayor ng Makati. Mas nakakaladkad ang pangalan ni VP Binay sa isyu sapagkat siya ang may hinahangad na mataas na posisyon. At ang sabi ng mga Binay sa isyung ibinabato sa kanila, “pinupulitika” sila. Wala raw katotohanan ang mga paratang sa kanila.
Corruption ang inaakusa kay VP Binay dahil sa overpriced na building. Ang halaga ng parking building ay P2.3 billion. Ayon sa mga nag-aakusa, ang halaga lamang ng building ay P1.2 billion.
Sabi naman ni VP Binay, ginagamit daw ng mga senador ang Senado para “mantsahan” ang kanyang pangalan. Ang dalawang senador daw na nagdidiin sa kanyang pangalan ay may mga sariling ambisyon. Gusto raw ng mga itong tumakbo sa 2016. Hindi raw nagiging parehas ang Senado sa pag-iimbestiga. Sabi ni VP Binay, ipapaliwanag daw niya sa tamang panahon ang mga akusasyon. Inaanyayahan ang Vice President sa Senado para maipaliwanag ang kanyang panig pero tumanggi siya.
Hindi namin maunawaan kung bakit kailangang tumanggi ng Vice President. Kung walang mali sa pagpapatayo ng building, ano ang ikatatakot? Magandang pagkakataon na ito para maipaliwanag sa sambayanan ang isyu. Kapag naipaliwanag ang lahat at nalinis ang pangalan, maaari pang bumango ang kanyang pangalan. Dapat tandaan ni VP Binay na ang taumbayan ay naghahanap nang mabuti, tapat at malinis na lider at dapat niyang patunayan na siya nga ito.