NAGPAHAYAG ang Philippine National Police (PNP) na bumaba ng 15.63 percent ang mga naireport na krimen. Mula raw sa 410,665 incidents ng krimen noong 2013, na-reduced ito sa 346,469 ngayong kalahatian ng 2014. At sabi ng PNP ang pagbaba ng crime rate ay dahil sa pinaigting na police visibility. Nakikita na raw sa kalye ang mga pulis. Mayroon nang nakahandang checkpoint sa gabi. Ito ay patunay lamang daw na ginagawa ng PNP ang kanilang tungkulin para pangalagaan at pagsilbihan ang mamamayan.
Natutuwa naman kami sa pahayag na ito ng PNP na nabawasan ng 15.63 percent ang naitatalang krimen lalo na sa Metro Manila. Pero mas matutuwa kami at ang taumbayan kung hihigitan pa rito ang natamong pag-reduced ng krimen. Nag-iisip din naman kami kung totoo ngang nabawasan ang crime rate dahil sa mga nakaraan, may mga presinto ng pulis na “dinodoktor” ang mga nangyayaring krimen. Binabawasan ang mga natanggap na krimen sa nasasakupan para mapaniwalang kakaunti ang nangyaring krimen.
Habang pinagmamalaki ang pagbaba ng krimen, kakatwa naman ang nangyari sa isang radio broadcaster sa Dagupan City na pinagbabaril noong Martes at nasa malubhang kalagayan. Tinamaan sa likod ang biktima. Ayon sa mga nakasaksi, biglang lumutang ang suspect at binaril ang broadcaster. Blanko ang pulisya sa nangyaring krimen.
Kung talagang nakikita na ang mga pulis sa kalye, bakit nagawang tangayin ang isang 17-anyos na babae sa Mandaluyong ng isang lalaking nasa kotse at tinangkang gahasain. Mabuti at nakatalon ang dalagita na hubo’t hubad na. Nakaligtas siya sa rapist. Walang nakitang pulis na nagpapatrulya.
Dagdagan pa ng PNP ang pagsisikap na mapag lingkuran at maprotektahan ang mamamayan sa mga nangyayaring krimen.