Manong Wen (30)

“HINDI puwede, Princess. Mayroon akong kausap sa Maynila bukas ng umaga kaya kailangan makauwi ako ngayon,” sabi ni Jo.

“Baka po abutin ka ng dilim.’’

“Maaga pa naman.’’

“I-text mo na lang po ang kausap mo na hindi ka makakarating.’’

“Naku hindi puwede, Princess. Talagang kailangang makarating ako sa Maynila.’’

“Sige po ikaw ang bahala. Basta mag-ingat ka na lang po. Salamat nga po pala sa mga pasalubong mo sa amin ni Precious.’’

“Okey lang yun. Sige aalis na ako.”

“Babay po.’’

Lumabas na ng bahay si Jo at mabilis na naglakad patungo sa sakayan ng traysikel. Inarkila na niya ang traysikel para mabilis na makarating sa bayan.

Nagsinungaling siya kay Princess na mayroon siyang taong kausap kaya kailangang makarating sa Maynila. Kaya ayaw niyang matulog kina Princess ay baka kung ano ang sabihin ng mga makakakita sa kanya. Baka isipin na nagpapatulog na ng ibang tao si Princess gayung dadalawa silang magkapatid at pareho pang babae. Baka may mag-isip nang masama kay Princess. Ang tingin pa naman kay Princess ay mabait at matinong babae. Kung maaari ayaw niyang may mapag-usapan ukol kay Princess.

Wala pang kalahating oras ay nasa bayan na sila. Nagpahatid sa bus terminal si Jo.

Nagtaka siya kung bakit tambak ang pasahero sa bus terminal. Bumaba siya at binayaran ang traysikel drayber.

Nagtungo siya sa bilihan ng tiket. Nang bibili na siya ay tinanggihan ng babaing nasa booth.

“Wala pong bus, Sir. Nag­karoon po ng aksidente. Hindi po sure kung may darating na bus.’’

Patay!

Tinanong niya sa babae kung hanggang anong oras maghihintay. Sabi ng babae, wala raw kasiguruhan. Iyon daw ang dahilan kaya magbenta ng tiket.

Ipinasya ni Jo na maupo muna sa hintayan ng pasahero. Bakasakaling may dumating.

Pero nag-alas sais na ng gabi ay wala pa ring bus. Paano kung walang duma-ting? Saan siya matutulog? Hindi siya sanay matulog sa maingay na lugar.

Ipinasya niyang bumalik kina Princess. Gulat na  gulat si Princess. Sinabi niyang wala nang bus.

“Puwede bang dito ako matulog?”

“Opo. Sabi ko nga po di ban a dito ka na matulog. Ikaw lang po ang ayaw…”

(Itutuloy)

Show comments